Ni: Mary Ann Santiago
Aminado ang isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na bagamat ‘di hamak na mas matanda ay mas maganda ang serbisyo ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 kumpara sa Metro Rail Transit (MRT)-Line 3.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, isa sa mga dahilan ay ang ‘institutional memory’ ng 33-anyos na LRT-1, bukod pa sa paggabay ng LRT Authority Board.
Paliwanag ni Chavez, kasapi ng board ang ilang miyembro ng Gabinete na nagsisilbing kinatawan ng gobyerno sa pagsusuri sa performance ng mga opisyal ng pamunuan ng LRT-1.
Kaagad ding pinapanagot ng board ang mga opisyal ng LRT-1 sa mga maling aksiyon o kawalan ng aksiyon ng mga ito, ayon kay Chavez.
“’Yan ang wala sa MRT,” sinabi ni Chavez sa panayam ng radyo.
Nabatid na ang LRTA Board ay pinamumunuan ni Transportation Secretary Arthur Tugade bilang chairman, kasama sina LRTA Administrator Retired General Reynaldo Berroya, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Benjamin Diokno, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman General Danilo Lim, at Public Works Secretary Mark Villar.
Miyembro rin ng Board of Directors sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, National Economic Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia, at Atty. Dimapuno R. Datu, na kinatawan ng pribadong sektor.
Si Atty. Hernando Cabrera naman, na tagapagsalita ng LRTA, ang nagsisilbing kalihim ng board.
Sa harap ng halos araw-araw na aberya sa mga biyahe ng 17-anyos na MRT, kinansela ng DOTr ang maintenance contract ng Busan Universal Rails, Inc. (BURI) sa pagkabigo nitong masolusyunan ang problema, at pansamantala ay ang kagawaran ang nangangasiwa sa MRT.