Ni: Clemen Bautista

SA hangaring lumawak pa ang kamalayan sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan at sa patuloy na suporta ng mga taga-Binangonan, Rizal sa Ynares Eco System (YES) To Green Program na flagship project ni Rizal Governor Nini Ynares, naglunsad ng paligsahan sa paggawa ng Christmas Tree ang samahan ng Barkadahan ng Kababaihan sa Binangonan (BKB), nitong ika-9 ng Nobyembre.

Ayon kay Dra. Rose Martha C. Ynares, pangulo ng BKB, ang paligsahan ay tinawag na “Inter-Barangay Recycled Christmas Tree Making Contest”, na may temang “SINING MULA SA BASURA SA PASKO--MAGANDA”. Ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang naturang paligsahan sa Binangonan. Ang Binangonan ang pinakalaking bayan sa lalawigan ng Rizal, na binubuo ng 23 barangay sa bayan at 17 barangay naman sa Talim Island na nasa gitna ng Laguna de Bay.

May itinakdang mga patakaran sa paggawa ng Chirstmas Tree na ilalahok sa paligsahan. Ang mga gagamitin sa paggawa ng Christmas Tree ay recycled materials, may taas na pitong talampakan at pawang idi-display sa harap ng barangay hall ng bawat barangay mula sa ika-20 ng Nobyembre. Kinakailangang ito ay binubuo ng apat na kulay; pula, berde o luntian, ginintuan o dilaw at silver o puti.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bukod sa mga nabanggit, ang pagpili sa pinakamagagandang Chirtsms Tree ay may itinakda ring batayan; kung naaayon ito sa paksa ng paligsahan, pagiging masining, malikhain, may originality at matibay. Hindi masisira kapag umulan, umaraw at humangin. Kailangang isulat sa one fourth (1/4) ng illustration board ang payak o simpleng paglalarawan sa Christmas Tree at ang mensahe nito. Ang araw ng paghahatol ay ipababatid sa barangay sa pamamagitan ng text message.

Ang mga hurado sa paligsahan ay binubuo ng mga bihasa sa larangan ng sining, turismo at mga environmental advocates.

Ang paghahayag ng mga magwawagi ay gagawin sa Ynares Plasa sa ika-9 ng Disyembre, 2017. Ang mga premyong matatanggap ng mga magwawagi ay P30,000 at sertipiko, para sa 1st place; P20,000 at sertipiko, 2nd place; at P10,000, 3rd place.

Ang paligsahan ay sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng pamahalaang bayan, sa pangunguna ni Mayor Cesar Ynares.

Naging inspirasyon at huwaran ng paglulunsad ng paligsahan ang matagumpay na paligsahan sa paggawa ng Christmas Tree na inilunsad ng Pamahalaan Panlalawigan ng Rizal sa 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan. Ang paligsahan sa paggawa ng Christmas Tree sa Rizal ay nasa ikaapat na taon na ngayong 2017. At nitong Nobyembre 13, sinimulan sa Jalajala, Rizal ang pagbubukas sa mga ilaw ng mga Christmas Tree.