Ni: Reuters

NABENTA ang imahen ng Kristo na ipininta ni Leonardo da Vinci, ang “Salvator Mundi”, sa halagang $450.3 million nitong Miyerkules sa Christie‘s—ang pinakamataas na benta sa mahigit sa dobleng halaga ng mga lumang obra na naisubasta.

Ang obra, na kamakailan lamang muling nadiskubre, ang huling ginawa ni da Vinci at naibenta ito nang mahigit sa apat na beses ng taya rito na $100 million lamang.

Tinalo nito ang record na itinala noong Mayo 2015 ng “Les Femmes D‘Alger” ni Pablo Picasso, na nabenta ng $179.4 million, at nakapag-ambag ng mahigit sa kalahati ng kabuuang $785.9 million na kinita sa nasabing subasta, na nagkakahalaga ng halos $450 million na pre-sale estimate.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang “Salvator Mundi” (Savior of the World) ay napasakamay ng isang hindi kilalang buyer na nagbi-bid sa telepono matapos ang halos 20-minutong bidding sa New York auction house.

“It was a moment when all the stars were aligned, and I think Leonardo would be very pleased,” sinabi ni Jussi Pylkkänen, global president ng Christie‘s, sa Reuters matapos ang subasta.

“It’s a painting beyond anything I’ve ever handled,” lahad pa ni Pylkkänen, ang tagasubasta, at sinabing, “I should hang up my gavel.”

Ang naitagong portrait, na larawan ni Hesukristo at naipinta noong 1500, ay isa sa hindi aabot sa 20 obra ng tanyag na Renaissance painter.

Ang unang naitala ay ang pribadong koleksiyon ni King Charles I, na isinubasta noong 1763 bago nawala noong 1900, sa mga panahong ang mukha at buhok ni Kristo ay naipinta—isang “quite common” nang gawain, ayon kay Alan Wintermute, senior specialist sa Christie’s para sa Old Master paintings.

Nabenta sa Sotheby’s sa isang Amerikanong collector noong 1958, sa halaga lamang na 45 pounds, nabenta ulit ang “Salvator Mundi” noong 2005 bilang isang overpainted na kopya ng obra ni da Vinci.