Ni: Reggee Bonoan
KUNG hindi siguro alisto ang divers sa shooting ng pelikulang Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies na pinagbibisahan nina Paolo Ballesteros, Wally Bayola at Jose Manalo ay may masama nang nangyari.
Kuwento ni Wally, nahirapan siya nu’ng lumubog na sila sa ilalim ng dagat dahil naka-boots, naka-costume at may pabigat na 18 kilos na bakal nang wala man lamang rehearsal.
“Siguro ‘yung bini-briefing ako ng direktor na paglubog ng tubig ganyan-ganyan. Akala ko pagdating sa gitna ng dagat may rehearsal, take na pala kaagad at ang hirap kasi kunwari nag-struggle ako kasi nilagyan nila ako ng pabigat ‘tapos naka-costume ako as lola. So mararamdaman mo ‘yung pressure na nasa malalim ka na, kaya iyon ang mahirap kasi hindi man lang ako nakapag-rehearse na mabigyan ng thirty minutes na lumanguy-langoy.
“Kaya kapag hindi na ako makahinga ‘yung mga diver inaangat na ako pataas. Siyempre nahihiya ako kasi pagdating sa taas talagang ubos hininga ako. Sabi nga nu’ng mga diver, ang lalim daw ng inabot ko,” kuwento ni Wally.
Hindi naman daw umangal o hindi puwedeng mag-inarte si Wally dahil nakakahiya, kaya kahit hirap siya ay ginawa niya at nagpapasalamat siya sa mga umaalalay sa kanila.
Kuwento ng tatlong lolang sina Tinidora (Jose), Nidora (Wally) at Tidora (Paolo) na naghahanda ng surprise birthday gift sa apong si Charmaine (Caprice Cayetano) sa isang out of town ang movie nila.
Nagkagulo ang mga tao sa paligid habang pinaplano nila ang lakad dahil sa biglang naglabasan at naglipana ang mga zombie.
Nakasalubong nila ang grupo ng kabataang kinabibilangan nina Marcy (Ryzza Mae Dizon), Irish (Taki Saito), Aladin (Kenneth Medrano), Cath (Shaira Mae dela Cruz), Will (Miggy Tolentino) at Melo (Jayvhot Galang) na takot na takot sa nagkalat na zombies.
Ang Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies ang biggest movie together nina Jose, Wally at Paolo at kahit napasama na sila sa pelikula ni Vic Sotto ay ngayon lang sila nagkaroon ng pelikulang sila ang sentro ng kuwento.
Ayon kay Wally, ang karakter niyang Lola Nidora ang tumagal sa lahat ng ginampanan niya dahil nga comedy at kapag seryoso na ay nangangaral na kaya swak sa mga bata.
“Hindi katulad ng ibang karakter na kenkoy lang,” say ni Wally.
Nakasanayan nang lola talaga ang character ni Wally kaya marami ang mga batang nagmamano sa kanila kapag pumupunta sila sa mga barangay, “Nakakalimutan nilang in character ako.”
Mapapanood ang Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies sa Nobyembre 22sa direksiyon ni Mark Reyes produced ng APT Entertainment at M-ZET Productions.