Ni ARGYLL CYRUS GEDUCOS
Nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na aaksiyunan ang mga ulat ng pag-abuso at iba pang krimen na umano’y ginawa ng mga sundalo sa mga sibilyan sa kasagsagan ng limang-buwang pakikipagbakbakan ng mga ito sa mga terorista ng Maute-ISIS sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ito ay makaraang ilabas ng human rights watchdog na Amnesty International (AI) na nakabase sa London, sa report nito na dumanas ng mga pang-aabuso ang mga sibilyan sa Marawi hindi lamang sa kamay ng mga terorista kundi maging mula sa puwersa ng gobyerno.
Ayon kay AFP spokesperson Maj. Gen. Restituto Padilla, iimbestigahan nila ang mga alagasyon ng pag-abuso sa karapatang pantao, pagnanakaw, ilegal na pagkukulong, at pagmamaltrato umano ng mga sundalo sa mga residenteng tumatakas mula sa kaguluhan.
“We are committed to respecting international humanitarian law (IHL) and respecting human rights (HR),” sinabi ni Padilla sa Bangon Marawi press briefing sa Malacañang kahapon. “We will investigate and discipline those found guilty of violating policies and regulations, which includes IHL and HR.”
‘DISTURBING’
Aniya, masyadong nakababahala ang mga alegasyong ito ng paglabag sa karapatang pantao laban sa militar.
“These are disturbing. Any reports of human rights violations are disturbing and they’re very serious. So we take them with focus and seriousness as well,” sabi ni Padilla. “If these are allegations, they will remain to be allegations unless there are concrete and formal reports that come our way and we will act on it.”
Tiniyak ni Padilla na sa kabila ng maraming paghamong hinarap ng mga sundalo sa kasagsagan ng bakbakan, siniguro ng militar na tumatalima sila sa Rules of Conflict, at binigyang-diin ang pagsisikap ng mga sundalo na mailigtas ang libu-libong sibilyan.
“May I just highlight that the Armed Forces addressed so many challenges in the main battle area during the conflict.
And may I highlight that there were 1,780 civilians who were rescued by our efforts,” sabi ni Padilla.
“And the proportionality by which we used force was in consideration of all the challenges that we faced which is one, the safety of civilians who may be trapped in the area. That’s primordial,” paliwanag niya. “The rescue of the civilians who were held hostage, second; and only third is the safety of our own troops who were in the main battle area addressing these armed groups.”
Sa report na may titulong “Battle of Marawi: Death and Destruction in the Philippines”, sinabi ng AI na gaya ng mga terorista, nilabag din umano ng tropa ng pamahalaan ang mga probisyon laban sa pagpapahirap at iba pang pagmamaltrato sa mga hinihinalang miyembro ng Maute Group.
“Their extensive bombing of militant-held areas of Marawi city wiped out entire neighborhoods and killed civilians, highlighting the need for an investigation into its compliance with international humanitarian law,” saad pa sa AI report.
Nanawagan din ang report ng “prompt, independent, and effective” na mga imbestigasyon sa nasabing mga pag-abuso at paglabag sa karapatang pantao ng magkabilang panig.
Tiniyak naman ng AFP na aaksiyunan nila ang nasabing mga alegasyon kapag nakuha na nila ang opisyal na kopya ng nasabing report ng AI.
WALA NANG STRAGGLERS
Samantala, sinabi ng AFP na nakatutok na ngayon ang militar sa clearing operations sa Marawi, dahil malaki ang posibilidad na wala nang natitirang straggler sa siyudad, makaraan nilang mapatay ang 12 pa nitong Nobyembre 5.
Sinabi ni Padilla na 36 na lamang sa 96 na barangay sa lungsod ang hindi pa sumasailalim sa clearing.
Gayunman, sinabi niya kahapon na may 16 na hindi sumabog na bomba pa silang natagpuan sa Marawi.
MARTIAL LAW PUWEDENG PALAWIGIN
Kasabay nito, hindi itinanggi ni Padilla ang posibilidad na hilingin ng AFP ang pagpapalawig pa ng batas militar sa Mindanao, upang lubos na masawata ng militar ang lahat ng bantang pangseguridad sa rehiyon.
Ipatutupad ang martial law sa buong Mindanao hanggang sa Disyembre 31, 2017.
“In other parts of Mindanao, the implementation of martial law continues with the maintenance of checkpoints in key areas to address any possible movements of private armed groups, armed elements, lawless individuals, and other threats to the security and peace that we have,” sabi ni Padilla.
Tiniyak ni Padilla na ginagawa ng AFP ang lahat upang matapos ang lahat ng operasyon nito sa Mindanao hanggang sa panahong umiiral ang batas militar.
“We’re working towards that. We’re hoping to be able to address and normalize everything by the end of the year because that was the deadline given to us,” sabi ni Padilla. “But be that as it may, the network of the local terrorist groups still continue and this is the subject of our efforts. So if we are able to address that by December, then we will report that to you and give justification for the lifting of martial law. If not, we will have to request an extension to be able to address the remaining threats in area.”