Ni: Nitz Miralles
KABILANG si Ken Chan sa mga rarampa sa Bench Under The Stars show ng Bench ngayong gabi sa MOA Arena. Sabi ni Ken, member na siya ng Bench family at pumirma na siya ng kontrata.
Clothing apparel ang isusuot ni Ken sa pagrampa, hindi pa niya kayang mag-topless, wala pa siyang maipagmamalaking katawan. Kinakantyawan nga siya pati ng fans niya dahil may isang eksena sa pelikulang This Time I’ll Be Sweeter na kita ang bilbil niya. Ito ‘yung bigla siyang umahon sa swimming pool at nakita nga ang bilbil.
“Sabi ni Direk Joel (Lamangan), ii-edit niya ang eksenang ‘yan dahil nga kita ang bilbil ko. Pero nakita pa rin.
Hahaha! Hindi ko napaghandaan ‘yan, masarap kasing kumain at inaamin kong tamad akong mag-workout, kasalanan ko rin,” sabi ni Ken.
Tinakot pa siya ng mga kaibigang reporter na mas tataba pa siya dahil 10 days na magbabakasyon sa Amerika, eh, masarap ang pagkain doon at malalaki ang serving. Lagot si Ken.
Sa December 1, ang alis ni Ken kasama ang tita niya at sa Dec. 10 ang balik. Pipilitin niyang masunod ang itinerary sa loob ng sampung araw.
“Hindi ako puwedeng magtagal at mag-extend, ayaw ng GMA-7. Kaya two days lang ang stay ko sa bawat lugar. Kaya ako pupunta sa Maryland dahil andu’n ang tita ko. Sa Chicago naman dahil may snow na by that time. Sa New York, manonood ako ng musical plays,” kuwento ni Ken.
Pupunta rin siya sa Los Angeles at Las Vegas, basta susulitin niya ang first time niyang bakasyon sa Amerika.
Masayang magbabaksyon si Ken dahil maganda ang box-office result ng This Time I’ll Be Sweeter. Tinawagan siya ni Mother Lily Monteverde na nag-congratulate at may usapan na pagbalik niya from his vacation, magmi-meeting sila for his next movie sa Regal Entertainment.
In fairness kay Ken, ang sipag-sipag niyang mag-promote ng movie at kahit showing na, lagi pa rin niyang ipinaaalala sa fans at bumibisita sa social media account niya na panoorin ang This Time I’ll Be Sweeter.
“May 10 block screenings na naka-schedule bigay ng KenBie fans at solid fans ko. Lahat ‘yun pupuntahan ko pati ‘yung sa SM Clark para na rin magpasalamat sa mga nanood at sumuporta. Malaking bagay ang suporta nila sa pelikula at tinatanaw kong utang na loob sa fans ‘yun, sana hindi sila magsawa,” pagtatapos ni Ken.