NI: Bella Gamotea
Simula sa Lunes at Miyerkules, Nobyembre 20 at Nobyembre 22, ay bawal na ang mga pribadong sasakyan at motorsiklo sa paggamit ng yellow lane na inilaan para sa mga pampasaherong bus sa EDSA, inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Mahigpit na ipinag-utos kahapon ni Jojo Garcia, MMDA assistant general manager for planning, sa mga pribadong motorista na huwag gamitin ang yellow lane o bus lane at gamitin ang kaukulang lane para sa kanila.
“We are appealing to riders, private motorists and bus drivers to stay on their designated lanes,” ani Garcia.
Aniya, huhulihin na ang mga susuway simula sa Miyerkules at pagmumultahin ng P500 ang mga lalabag.
“Riders can use the fifth lane which is closest to the MRT (Metro Rail Transit) wall,” sabi pa Garcia.
Nabatid na ang ikaapat na lane o blue lane ay inilaan para sa mga motorsiklo.
Ayon kay Garcia, base sa kanilang obserbasyon, madalas gamitin ng mga pribadong motorista ang yellow lane sa EDSA.
“Private vehicles should get out of the yellow lane. Only those turning right to any intersection can drive inside the yellow or buslanes,” ani Garcia.
Samantala, pinaalalahanan din ni Garcia ang mga bus driver na bawal nilang gamitin ang lane ng mga pribadong behikulo at sa oras na sila ay lumabag ay huhulihin din sila.
Kaugnay nito, nilinaw ng MMDA na maaaring gamitin ng mga pribadong motorista ang motorcycle lane dahil hindi ito eksklusibo.