Nina JEFFREY G. DAMICOG at BETH CAMIA
Tiniyak kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi bibigyan ng gobyerno ng special treatment ang dalawang Russian na naaresto noong nakaraang taon sa pagtatangkang magpasok ng cocaine sa bansa.
Ito ang reaksiyon ni Aguirre sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Russian Prime Minister Dmitry Medvedev na bibigyan ang dalawang Russian drug suspects ng “comfortable house.”
“Hindi naman niya sinabing magkakaroon sila ng special treatment,” katwiran ni Aguirre sa mga mamamahayag.
Naniniwala ang Kalihim na ang ibig sabihin ng Pangulo ay ilalagay ang mga suspek na Russian sa hindi siksikang kulungan. “Actually palagay ko ibig sabihin niya doon ‘wag katulad yung mga city jails natin na talagang 100 percent, minsan 200 percent, pagka-overcrowded,” aniya.
Sina Yuri Kirduyushkin at Anastasia Novopashina ay inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang taon sa magkahiwalay na insidente matapos mahulihan ng cocaine sa kanilang mga bagahe.
Sinabi ni Aguirre na si Kirdyushkin ay nakadetine ngayon sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, habang si Novopashina ay nakakulong sa Pasay City Jail habang dinidinig mga korte sa Pasay City ang kanilang mga kaso.
Iginiit din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi maituturing na special treatment ang tinuran ni Duterte kay Medvedev at walang dapat kuwestiyunin ang Commission on Human Rights (CHR).
Punto ni Roque, ang maituturing na special treatment ay ang pagkakaroon ng sariling kulungan nina Sen. Leila de Lima sa halip na madetine sa Muntinlupa City Jail, at US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, na nakakulong sa Camp Aguinaldo.
Aniya, kung igigiit ng CHR na dapat nasa city jail lang ang drug suspects habang dinidinig ang kanilang mga kaso, dapat ay applicable rin ito sa mga katulad ni De Lima.