Ni: Ric Valmonte
ANG napakahalagang bunga ng katatapos na ASEAN Summit Meeting ay ang deklarasyon sa pagitan ng mga bansang bumubuo ng ASEAN, European Union (EU) at United States. Sa nasabing dokumento, napagkasunduang siguraduhin ang freedom of navigation sa South China Sea.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, makatutulong ito upang mapangalagaan ang integridad ng teritoryo ng bansa. Maliwanag, aniya, na tinatakot ng China ang Pilipinas at ang maliliit na bansa na kasapi ng ASEAN. “Kailangan ipagtanggol natin ang integridad ng bansa. Ang tanging paraan upang malabanan ang China ay ang pagkakisa ng mga bansang miyembro ng ASEAN ukol sa isyu ng South China Sea,” wika ng senador. Kailangan, aniya, ay patuloy na pinalalakas ng bansa ang kanyang posisyon sa pag-angkin sa bahagi ng South China Sea sa tagumpay na nakamit nito sa arbitral tribunal sa The Hague.
Ang napakalaking problema nga natin ay ayaw gamitin ni Pangulong Duterte ang napagwagian natin sa The Hague arbitration. Sa mga Pilipino lamang niya sinasabi na kapag nagkaharap sila ng China ay babanggitin niya ito. Ang pinakahuli at wastong pagkakataon na dapat ginawa niya ito ay nang makipagpulong sa kanya si Chinese Premier Li Kaquiang sa Malacañang. Pero, batay sa pahayag ni Premier Li at ni Pangulong Digong sa media pagkatapos ng kanilang pulong, hindi nila ito tinalakay.
Nagkasundo lang umano ang dalawa na labanan ang terorismo at igalang ang soberanya ng bawat isa. Sa kanilang joint statement, sinabi nila na masaya sila sa naging bago at positibong relasyon ng Pilipinas at ng China. Anila, ang pinagsamang pagsisikap ng dalawang bansa ay magtitiyak ng kapayapaan, katatagan at kaunlarang sa rehiyon.
Sa ikinikilos at inaaasal ng Pangulo sa isyu ng West Philippine Sea, mapipilitan kang balikan ang huling debate ng mga kandidato sa panguluhan bago maghalalan. Nang tanungin ang bawat isa kung ano ang kanilang gagawin ukol sa isyung ito, lalo na ang agresibong panghihimasok ng China sa pinag-aagawang teritoryo, sinabi ni Pangulong Digong na mag-i-ski siya rito at itatanim niya ang bandila ng bansa. Eh, hindi na kailangan gawin pa ang pagpupunyaging ito para ipakita ang katapangan sa pagtataguyod ng kapakanan ng bansa, iladlad lang ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa China. Kaya lang, dahil ayaw umano ng Pangulo na isubo niya ang bansa sa digmaan laban sa China, at wala tayong laban, nakipagkaibigan na lang siya rito. Pero, mahal at natatakot ang naging bunga nito. Sa maikling panahon ng panunungkulan ng Pangulo, ang dami nang nagawa ng China na parang kanya ang pinag-aagawang teritoryo.
Pero, ang konsuwelo ng bansa sa pagiging punong-abala sa Summit Meeting ay iyong binanggit ni Sen. Sherwin Gatchalian na pahayag sa pasimula ng pormal na pag-uusap sa pagitan ng ASEAN at China ukol sa Code of Conduct sa South China Sea. Tama ang senador na sa loob ng 15 taon, ngayon lang nagkaroon ng maliwanag na hakbang hinggil sa paglutas sa napakatagal nang sigalot sa West Philippine Sea at China Sea. Ito ay mahalaga para sa komprehensibong kasunduan sa pinag-aagawang teritoryo na magbubunga ng pangmatagalang gabay sa paglalayag sa lugar.