Ni JINKY TABOR
SAN ANDRES, Catanduanes – Nasawi ang isang 15-anyos na lalaki makaraang makipag-sparring sa kapwa niya binatilyo sa Barangay Agojo sa San Andres, Catanduanes, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni San Andres Municipal Police chief, Supt. Antonio Perez, ang nasawi na si Jake Sorilla y del Rosario, 15, mag-aaral sa Grade 8 sa San Andres Vocation School, at taga-Bgy. Agojo.
Ayon kay Supt. Perez, nagpapahinga ang mga boksingerong kalahok sa boxing tournament para sa pista ng San Andres matapos magpraktis sa sementadong bahagi sa harap ng barangay waiting shed nang kuhanin ni Sorilla at ng kalaro niyang 16-anyos na estudyante, ang boxing gloves at mitts ng isa sa mga boksingero.
Nagkatuwaan umano ang dalawang binatilyo na gayahin ang kanilang napanood at nag-sparring.
Sa kasagsagan ng paglalaro, humingi ng time-out si Sorilla dahil sa matinding pagod, hanggang mapalupasay ito sa kalsada at mawalan ng malay.
Isinugod ng binatilyong kalaro at iba pang nasa lugar si Sorilla sa JMA Hospital, pero wala na itong buhay, ayon kay Dr. Aly Romano.
Sa panayam kay Dr. Romano, sinabi niyang dumanas ng internal hemorrhage ang binatilyo, at posible ring inatake sa puso dahil mabilis na nangitim ang katawan nito kahit ilang minuto lang ibiniyahe patungo sa pagamutan.
Nilinaw naman ni Bernardo Sorilla, ama ng biktima, na wala siyang sinisisi sa nangyari, subalit labis ang paghihinagpis ng kanyang pamilya dahil nakatutulong din sa kanilang kabuhayan ang binatilyo sa pangingisda nito.
Nasa kustodiya naman ng San Andres Municipal Social Welfare and Development Office ang binatilyong naka-sparring ni Sorilla, kasama ang ina nito, para sumailalim sa stress debriefing, dahil hindi umano kumakain at nakakatulog ang bata matapos ang insidente.