Ni: Jun Fabon
Patay ang isang rider habang sugatan naman ang dalawa nitong angkas makaraang sumalpok sa kotse ang kinalululanan nilang motorsiklo sa Quezon City, bago maghatinggabi kahapon.
Kinilala ni Police Sr. Insp. Josefina Quartero, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit – Traffic Sector 6 (QCDTEU- TS6), ang nasawi na si Jomar Rosas, 23, ng Meycauayan, Bulacan. Siya ay nabagok at nagkalasug-lasog ang katawan nang tumilapon sa kalsada.
Sugatan naman sina Jovelyn Racelda, 20, ng Bocaue, Bulacan; at Maricel Valdez, 26, ng Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Arman Milad, may hawak ng kaso, nangyari ang aksidente sa kahabaan ng EDSA sa Bgy. Sto. Kristo, Quezon City, dakong 11:45 ng gabi.
Sinita umano ng enforcer si Rosas sa matulin nitong pagpapatakbo ng motorsiklo sa kahabaan ng North Ave.
Base sa imbestigasyon, hindi umano tumalima si Rosas sa enforcer, sa halip pinaharurot nito ang motorsiklo.
Hinabol ng mga enforcer ang motorsiklo ng mga biktima at pagsapit sa EDSA, sa kanto ng Nueva Ecija St., sa may Bgy. Sto. Kristo, ay sumalpok ito sa kanang bahagi ng Honda Civic (OCW 603) na minamaneho ni Gerwin Dagdag, 40.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang tatlong biktima mula sa nawasak nilang motorsiklo.