Ni: Celo Lagmay
SA kabila ng matagumpay na ASEAN Summit na ipinangangalandakan ng Duterte administration, nagdurusa naman tayo sa walang pakundangang pagtaas ng presyo ng ating pangunahing mga pangangailangan. Minsan pang nalantad ang panlalamang ng ilang negosyante sa pagpapataw ng dagdag na halaga sa bigas, mga produkto ng petrolyo at iba pang bilihin.
Sa ganitong pananaw, hindi nangangahulugan na minamaliit natin ang tagumpay ng ASEAN Summit. Sa katunayan, dinakila ko ang ASEAN leaders sa pagpapatibay ng mga kasunduan na nangangalaga sa ating mga migrant workers o OFWs; kabilang na ang pagpapatatag ng ating relasyon sa ibang bansa.
Gusto kong maniwala na sa gayong nakadidismayang sitwasyon, tila inutil ang gobyerno sa pagsupil sa pamamayagpag ng rice cartel; tila may bendisyon ang pakikipagsabwatan nito sa awtoridad sa pagsasamantala sa mga mamimili na karamihan ay maralita.
Isipin na lamang na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng pagmamalaki ng pamahalaan na sapat ang ating inaani, na halos abot-kamay na ang ating pagiging ‘rice-sufficient’ dahil sa walang humpay na pag-aagapay ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka. Bukod pa rito ang wala ring tigil na pagtulong ng gobyerno sa mga mangingisda at iba pang magbubukid na nakatutok sa pagtatanim ng tubo, niyog, abaca at iba pang produkto ng agrikultura. Ang mga ito ang nagiging katuwang sa pagkakaroon ng sapat na pagkain.
Mabuti na lamang at sa pagtaas ng presyo ng bigas, Cabanatuan City, Nueva Ecija lamang ang hindi nagdagdag ng presyo; katunayan, bumaba pa ito ng dalawang piso, tulad ng pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Lalong nakatali ang kamay ng pamahalaan sa walang patumanggang pagtataas ng presyo ng langis, gasolina, at diesel.
Totoong walang kapangyarihan ang administrasyon na hadlangan ang gayong pagmamalabis ng mga oil dealers dahil sa mapaminsalang Oil Deregulation Law (ODL). Ngunit naniniwala ako na ang gayong sakim na pagnenegosyo ay may katapat na puwersa upang masugpo. Matagal na nating isinisigaw na kailangang susugan, o tuluyan nang pawalang-bisa, ang naturang batas.
Ito ang laging kinakasangkapan ng mga oil dealers sa kanilang habas na pagpapataas ng presyo ng mga produkto ng langis; magbabawas ng maliit na halaga subalit magpapataw naman ng mataas na price hike. Ito, at marami pang iba ang dapat pagtuunan ng atensiyon ng gobyerno.