Ni: Beth Camia at Chito Chavez

Inatasan na ng pamahalaan ang Facebook na bumuo at mag-operate ng submarine cable system sa ilalim ng east at west coast ng Luzon para sa “ultra high-speed” broadline infrastructure, ngayong magiging third major player na ang gobyerno sa telecommunications industry.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Officer-in-Charge Eliseo Rio, ang naturang cable system ay magkokonekta sa Luzon sa internet systems sa Amerika at sa iba pang bahagi ng Asya.

Itatayo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang Luzon Bypass Corridor, na binubuo ng dalawang cable landing station na ikokonekta sa pamamagitan ng 250-kilometer cable network corridor.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nabatid na kahapon ay lumagda ang BCDA, DICT, at Facebook para sa nasabing proyekto, na tatawaging Strategic Engagement and Collaboration to Undertake a Reliable and Efficient Government Internet o SECURE GovNet.

Kasabay nito, ipinaliwanag din ni Rio na ang kakapusan ng cell sites at communication infrastructure ang dahilan ng mabagal na Internet sa bansa.

“We acknowledge that one of the main problems was the lack of cell sites to handle the country’s volume of data traffic,” sabi ni Rio.

Sinabi pa ni Rio na dapat ding solusyunan ang napakaraming requirements ng gobyerno sa pagpapatayo ng bawat cell site tower.

Aniya, mayroong 25 o higit pang permit na kinakailangan upang makapagtayo ng isang cell site tower, kaya naman nasa 20,000 lang ang kabuuan ng cell sites sa bansa “when we need at least 67,000. Vietnam has 70,000’’.

Sinabi ni Rio na umapela na ang DICT sa Malacañang na magpalabas ng Executive Order upang mabawasan ang mga permit na hinihingi ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno sa pagtatayo ng mga tower—at limitahan ang approval or disapproval dito sa pitong calendar days.