Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinabi ng Malacañang na nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tiwala ni United States President (POTUS) Donald Trump matapos ipahayag ng White House ang $101.3 milyon o tinatayang P5.1 bilyon, bilang suporta sa mga inisyatiba ng administrasyong Duterte.

Ito ay matapos ipahayag ng White House nitong Miyerkules, sa pagbabalik ni Trump, na ipinangako ng gobyerno ng US ang nasabing halaga para suportahan ang rehabilitasyon ng Marawi City, paglaban ng bansa sa terorismo, at ang kampanya kontra droga ng administrasyon.

Ayon sa White House, karagdagang $14.3 milyon (P750M) ang ibubuhos para sa rehabilitasyon ng Marawi City; $85M para sa counter terrorism-related equipment ng Pilipinas, pagsasanay at suporta para sa sandatahang lakas nito; at $2M (P101M) para suportahan ang drug war ng administrasyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mas maganda sana kung mismong si Trump ang nagpahayag nito habang nagbibisita sa Pilipinas upang personal na nakapagpasalamat si Pangulong Duterte.

“Sana sinabi na ‘yan ni President Trump doon sa bilateral nila, eh ‘di tuwang-tuwa talaga lalo si President [Duterte],” aniya sa press briefing sa Palasyo kahapon.

Nangyari ang bilateral meeting nina Duterte at Trump nitong Lunes sa sidelines ng 31st Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit sa Pasay City.

Sinabi ng Malacañang na hindi binanggit ni Trump ang isyu ng human rights violations kaugnay sa giyera kontra droga ngunit tinalakay ni Duterte ang kanyang kampanya kay Trump.

“But I’m sure, although it was announced belatedly that the Philippine President or President Duterte will appreciate this commitment to the war against drug,” ani Roque.

“That proves without doubt that the US President supports the war on drugs. Why would he otherwise give $2 million to this cause if he thinks it’s not being implemented correctly?” aniya.

Bago umalis ng Pilipinas, sinabi ni Trump kay Executive Secretary Salvador Medialdea, na ipaabot kay Duterte na nasiyahan siya sa kanyang pananatili sa Pilipinas at nagustuhan niya ang kanyang Filipino counterpart.

“Thank you very much, I had a great time and tell Rodrigo I like him very much,” diumano’y sinabi ni Trump kay Medialdea bago sumakay ng Air Force One nitong Martes.