Nina FRANCO REGALA at FER TABOY

CAMP OLIVAS, Pampanga – Inihayag ni Bataan Gov. Albert S. Garcia na mula sa P500,000 ay gagawin na niyang P1 milyon ang pabuyang ilalaan ng pamahalaang panglalawigan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng mga suspek sa pagpatay sa isang magkasintahan na natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan nitong Linggo.

Ayon sa Bataan Police Provincial Office (BPPO), natagpuan sa magkahiwalay na baybayin sa Barangay Camachile sa Orion at sa Bgy. Landing sa Pilar nitong Martes ang bangkay nina James Carl Guzman, 19; at Glory Mary Carbonell, 22, kapwa service crew ng isang fast food chain sa Balanga City. Sa Orion natagpuan ang bangkay ni Guzman, habang sa Pilar naman si Carbonell.

Una nang kinumpirma ng Crime Laboratory ng pulisya na hinalay ng hindi lang iisang tao si Carbonell bago pinaghahampas ng matigas na bagay sa bibig at sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago itinapon sa dagat. Pinatay din sa hampas ng matigas na bagay si Guzman, ayon sa pagsusuri sa kanyang bangkay.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang posibleng anggulo na itinapon sa dagat ang bangkay ng magkasintahan upang iligaw ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.

Sabado ng gabi nang huling makita ang magkasintahan habang nagde-date sa Wetland and Nature Park sa Bgy. Tortugas sa Balanga.

Kaugnay nito, nanawagan ang gobernador sa mga nakasaksi sa insidente na lumantad at tumulong sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima.