14-0 winning streak nahila ng Celtics laban sa GW Warriors.

BOSTON (AP) – Pinatunayan ng Boston Celtics na kaya nilang maipanalo ang larong naghahabol at nagawa nila ang come-from-behind win laban sa defending champion Golden State Warriors.

Nahahabol ang Celtics sa 17 puntos na bentahe ng Warriors sa third period at matikas na nakipagtagisan sa krusyal na sandali para maagaw ang 92-88 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa harap ng nagbubunying home crowd sa TD Garden.

Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 16 puntos, kabilang ang 11 sa final period para tuldukan ang matikas na ratsada ng Celtics tungo sa ika-14 na sunod na panalo, habang pinutol ang winning streak ng Warriors sa pito.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mainit ang simula ng Warriors para maitarak ang 17 puntos na bentahe sa first period, ngunit nagawang makabawi ng Celtics sa dominanteng 15-3 run para makadikit sa 47-42 sa halftime.

Muling rumatsada ang Golden State sa third period at sa matikas na 9-1 run muling napalobo ang bentahe sa 17 puntos may apat na minuto ang nalalabi sa third period.

Ngunit, nagawang pantayan ng Boston ang init sa opensa, habang binokya ang karibal sa loob ng 11 possession para sa 19-0 run at mailagay ang laro sa dikitang sitwasyon tungo sa huling dalawang minuto.

Nakumpleto ni Irving ang three-point play para maagaw ng Celtics ang bentahe sa 86-85 may 2:36 sa laro, subalit nakaganti si Klay Thompson ng three-pointer may 1:21 ang nalalabi at maibalik ang abante sa Warriors, 88-86.

Nagmintis si Draymond Green sa open triple sa sumunod na play bago nakakuha ng foul Irving kay Kevin Durant para sa dalawang free throws at kalamangan sa Boston, 90-88 may 14 segundo ang nalalabi.

Sumablay ang short jumper ni Kevin Durant at napuwersa ang Warriors na i-foul si Jayson Tatum na nagawang maisalpak ang dalawang free throw para selyuhan ang panalo ng Boston,

Nanguna si Jaylen Brown na may 22 puntos sa Celtics (14-2), habang kumana si Al Horford ng 18 puntos at nag-ambag si Marcus Morris ng 12 puntos.

Hataw si Durant sa naiskor na 24 puntos at kumubra si Thompson ng 13 puntos para sa Warriors (11-4). Inalat naman si Steph Curry sa natipang 3-for-14 para sa siyam na puntos.

ROCKETS 142, SUNS 116

Sa Phoenix, naitumpok ni James Harden ang 48 puntos, tampok ang 23 sa second quarter para sandigan ang Houston Rockets kontra Suns.

Mas mabilis at matikas ang Rockets sa pagbabalik-akisyon ni Chris Paul matapos ang 14 larong pahinga para maitala ang impresibong 61 percent shooting sa first-half para sa pinakamalaking puntos na naitarak sa kasaysayan ng NBA.

Kumubra si Paul ng 11 puntos at 10 assists, habang kumana si Ryan Anderson ng 24 puntos para sa Rockets.