Ni: Ric Valmonte

DALAWANG Russian, sa magkahiwalay na okasyon, ang dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa salang drug smuggling. Noong Oktubre 5, 2016, inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Yuri Kirdyushkin matapos makuhanan ng 7.4 kilo ng powdered cocaine at 2.5 kilo ng liquid cocaine sa kanyang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Samantala, noong Nobyembre 2016, inaresto ng mga tauhan ng BoC si Anastasia Novopashina makaraang makuhanan ng high-grade cocaine sa NAIA.

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na ilalagay ang dalawang akusado sa isang “comfortable house,” sa halip na sa mga siksikang bilangguan sa bansa. Ito ang kanyang tiniyak sa pagpupulong nila ni Russian Prime Minister Demetri Medvedev sa sidelines ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Maynila, nitong Lunes ng gabi.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Nais ko lang sabihin na ang katarungan ay gumagana rito at sasailalim sila sa parehas na paglilitis at sila ay makukulong sa komportableng piitan.” Aniya, kung totoo man o hindi ang alegasyon ay kanilang aalamin, ngunit sinisiguro niya na sila ay tatratuhin nang maayos at hindi makararanas ng anumang tensiyon.

Wow, napakainam maging dayuhan, lalo na kung ikaw ay Ruso, sa ating bansa. Ang Pangulo mismo ang naniniguro na makakamit mo ang katarungan sa kabila ng napakabigat na pagkakasala na naging dahilan ng iyong pagkakadakip. Eh, bakit hindi napakabigat, eh ikaw ang dahilan kung bakit ang mamamayan ng bansang nais mong puslitan ng droga ay pinapatay sa pagbebenta at paggamit nito? Mayroon na ngang nagpapanukala na ibalik muli sa pulis ang pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo.

Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang pinagkatiwalaan ng Pangulo na sumalo sa nasabing tungkulin, ay minamaliit ang kakayahan. Ibinibintang kaagad sa mga lulong sa droga ang mga krimeng naganap sa Pasig at Balanga, Bataan na ang mga biktima ay isang bank employee at magkasintahan. Dahil karumal-dumal ang krimen, wala raw ibang makagagawa nito kundi ang mga adik. Eh, hindi pa nga kilala ang mga taong dapat papanagutin sa mga nangyaring ito.

Ang punto na nais lang diinan ng mga nagbibintang kaagad na mga adik ang mga salarin, kahit walang pang batayan, ay ibalik sa pulis ang pagpapatupad ng war on drugs at gamitin muli ang paraang walang patumanggang pagpatay.

Wala namang tumutol sa war on drugs basta ang pamamaraan ay iyong tiniyak ng Pangulo na magaganap sa mga Ruso. Kahit ang mga naaresto sa pagpapairal nito ay wala sa “comfortable house”, basta bigyan lang sila ng parehas na paglilitis.

Igalang ang kanilang mga karapatan sa presumption of innocence at due process. At iyong mga nakapatay na nagpapatupad ng giyera laban sa droga ay sampahan ng kaso at sa korte na nila ipaliwanag na tama lang na napatay nila ang kanilang inaaresto dahil nanlaban o legal nilang ipinatupad ang kanilang tungkulin.

Ang problema, sa mga heads of states, ang Prime Minister lang ng Canada ang matapang na ipinamukha ang ganito kay Pangulong Digong.