NI: Jinky Tabor at Ruel Saldico

MERCEDES, Camarines Norte – Dalawa sa tatlong magkakapatid na paslit ang natagpuan ng mga awtoridad na nagsagawa ng search at retrieval operation sa bayan ng Mercedes sa Camarines Norte makaraang maiulat ang kanilang pagkawala sa karagatan ng Barangay 4 nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Jude Hernandez, ng Mercedes Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bandang 7:00 ng gabi nang mabitiwan ni Jerry P. Sierra, 45, mangingisda, ang tatlo niyang anak habang naglalakad sila pauwi at patungo sa baybayin.

Kuwento ni Sierra, galing sila sa isang birthday party kung saan nakipag-inuman siya. Pauwi na silang mag-aama sakay sa kanyang bangkang pangisda nang magpasya siyang lakarin na lamang ang dalampasigan nang malapit na sila rito.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Ayon kay Sierra, karga niya ang kanyang bunsong si James, 4, nang madulas siya sa biglang pagtaas ng tubig at mabitiwan niya si James at ang dalawa pa niyang anak na sina Jasmine, 9; at Jomel, anim na taong gulang.

Sinabi naman ni Chief Insp. Charles De Leon, hepe ng Mercedes Municipal Police, na inamin ni Jerry na lasing ito nang mangyari ang insidente, kaya hindi nito maalala ang mga nangyari at hindi na rin nagawang mailigtas ang mga anak.

Kaagad namang nagsagawa ng search at rescue operations (SRO) ang pulisya, Philippine Maritime, Philippine Coast Guard (PCG), at MDRRMO makaraang matanggap ang report tungkol sa insidente bandang 10:45 ng gabi.

Madaling araw kahapon nang matagpuan ang bangkay ni James malapit sa Bgy. San Roque, habang sa dalampasigan ng Bgy. 6 nadiskubre ang katawan ni Jommel.

Hinahanap pa si Jasmine, habang isinusulat ang balitang ito.