NI: Samuel P. Medenilla

Nakatakdang ibalik sa susunod na buwan ang gawa sa kahoy na imahen ng Señora de Triunfo de Ozamiz, na 40 taon nang nawawala, sa pinagmulan nito sa Ozamiz City, Misamis Occidental.

Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad na mag-oorganisa sila ng prusisyon para sa inaasahang pag-uwi ng imahen sa Disyembre 8.

Magsisimula ang prusisyon sa Ozamiz Airport at magtatapos sa Cathedral of the Archdiocese ng siyudad.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Our people here in Ozamis are very glad that the 1756 image will finally come home,” ani Jumaod.

Orihinal na naluklok ang imahen ng Señora de Triunfo de Ozamiz o, ang Our Lady of Triumph ng Ozamiz, sa Shrine of the Kotta sa lungsod, na itinayo noong 1755, malapit sa pasukan ng Panguil Bay. Nawala ito noong 1975 matapos na madala sa katedral sa Ozamiz.

Kamakailan ay nakita ito na isinusubasta sa isang hotel sa Makati City, at nabili ng isang JV Esposo. Kalaunan ay nagdesisyon si Esposo na ibalik ang imahen sa Archdiocese ng Ozamiz.

“To JV, we are very thankful that he open-heartedly and freely expressed his desire to return the image to the Archdiocese of Ozamis,” ani Jumaod.

Pinaniniwalaang nagbibigay ng himala ang imahen ng Señora de Triunfo de Ozamis at regular itong binibisita ng mga pilgrim tuwing Hulyo 16 (Pista ng Mt. Carmel) at Disyembre 8 (Pista ni Immaculate Concepcion).

Matapos itong mawala, binibisita ng mga pilgrim ang inukit na replica ng imahen sa dingding ng Kotta ng Ozamiz.