Nina BETH CAMIA at ARGYLL CYRUS GEDUCOS

Lumago sa 6.9 na porsiyento ang ekonomiya ng bansa sa ikatlong quarter ng 2017, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang nasabing datos ay mas mataas sa naitalang 6.7 porsiyentong paglago sa ekonomiya ng bansa noong second quarter ng taon.

Gayunman, bahagya itong mas mababa kung ikukumpura sa parehong quarter noong 2016, nang nakapagtala ng growth rate na 7.1 porsiyento.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa national statistician na si Dr. Lisa Grace Bersales, ang sektor ng industriya ang nakapagtala ng pinakamataas na paglago sa 7.5 porsiyento, na sinundan ng services sector na 7.1%.

Samantala, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, nananatili ang Pilipinas bilang isa “best-performing economies” sa buong Asya.

Aniya, pumapangalawa ang Pilipinas sa Vietnam, na nakapagtala ng 7.5% growth rate sa 3rd quarter, habang nasa ikatlong pwesto ang China na mayroong 6.8%, kasunod ang Indonesia na may 5.1%.

Labis naman ang kasiyahan ng Malacañang sa pagsipa ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa 6.9%, na higit sa 6.5% na tinaya ng ng mga market analyst.

“That’s good news,” sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque. “In fact, it was [Finance] Secretary [Carlos] Dominguez [III] who informed me, they even adjusted the growth rate by .2 percent, which is very good news.”