NAG-ALOK si United States President Donald Trump na mamamagitan sa agawan sa teritoryo sa South China Sea nang makipagpulong siya sa mga pinuno ng Silangang Asya sa Da Nang, Vietnam, at sa Maynila. “I’m a very good mediator and arbitrator,” aniya.
Nakakatuwa ang inialok na tulong ng presidente ng Amerika, subalit ang suliranin sa South China Sea ay maaaring higit sa kanyang kakayahan — o sa iba pang mga pinuno — na resolbahin sa mga panahong ito. Una, maaaring hindi ituring ng China ang Amerika bilang isang hindi interesadong arbitrator kundi isang bansang may sariling interes na isinusulong o nais protektahan. Ilang beses nang tinutulan ng Amerika ang “meddling” ng Amerika sa itinuturing nitong lokal na problema sa mga bansang nakapaligid dito, kabilang na ang Pilipinas. Sa kabilang banda, itinuturing ng Amerika ang mundo na bahagi ng bakuran nito, na ang mga barko ay malayang nakapaglalayag sa kahit saanmang karagatan habang iwinawagayway ang bandila ng malayang paglalayag.
Nariyan din ang hindi matinag-tinag na paninindigan ng China na ang South China Sea, gaya ng nasasaklawan ng nine-dash line nito, ay pag-aari nito. Tumanggi itong kilalanin ang pasya ng Arbitral Court sa The Hague, na nagsagawa ng pagdinig sa reklamo ng Pilipinas laban sa China. At tumanggi itong kilalanin ang naging desisyon ng korte na kumatig sa pag-angkin ng Pilipinas sa mga islang saklaw ng Exclusive Economic Zone nito, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Pinili ni Pangulong Duterte na huwag nang ipagdiinan ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa korte sa pagkakataong ito kapalit ng mas malapit na ugnayang pang-ekonomiya sa China. Malinaw nang kinatigan ng Arbitral Court ang pag-angkin ng Pilipinas sa teritoryo nito, at may tamang panahon upang igiit ito. Subalit hindi pa ito ang nasabing panahon, ayon sa Pangulo.
Kaya naman hindi siya tumugon sa alok ni President Trump na mamamagitan ito sa usapin sa South China Sea, na pangunahing kinasasangkutan ng China at Pilipinas, gayundin ng Vietnam, Brunei, Malaysia, Indonesia, at Taiwan.
Subalit pinasalamatan niya ang alok ni President Trump. Isa itong malinaw na pagpapahayag ng katiyakan na ang Amerika, bilang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo, ay nananatiling nakatuon sa pagkakaroon ng kapayapaan sa bahagi nating ito sa mundo, at hindi naman ganap na ina-isolate na ang Amerika, gaya ng sinasabi ng iba.
Ang kasunduan sa Code of Conduct — hindi ang pamamagitan ng Amerika — ang marahil ay pinakamalaki nating pag-asa sa pagresolba sa usapin ng South China Sea sa ngayon. Dapat na wala munang iba pang makapag-uudyok ng gulom, gaya ng pagtatayo ng mga bagong isla mula sa mga bato at bahurang sumusulpot sa tubig kapag low tide. Marapat na huwag ipahinto o limitahan ang mga paglalayag, partikular na ng mga barkong may kargamento. Dapat din na huwag pagbawalan ang mga mangingisda sa mga tradisyunal nilang pangisdaan. Marapat na pairalin ang status quo sa ngayon.
Marahil sa mga susunod na panahon ay mas bukas na ang bansa na pag-usapan ang kani-kanilang inaangking teritoryo at mga paninindigan. Hanggang hindi pa ito nangyayari, dapat nating samantalahin ang kapayapaang tinatamasa natin sa ngayon.