Ni: Chito A. Chavez
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Labor Department hinggil sa pagkakaloob ng legal na trabaho sa mga dating driver ng motorcycle-based ride hailing service na Angkas.
Nawalan ng trabaho ang mga Angkas driver nang ipasara ito ng awtoridad sa pag-o-operate nang walang kaukulang permit.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, LTFRB spokesperson at board member, bukas ang Labor Department sa planong i-hire ang mga rider sa delivery services sa pamamagitan ng job fairs.
Una rito, ipinasara ng LTFRB ang Angkas matapos ang joint operation noong Nobyembre 9, na naging sanhi ng pagkakaaresto ng 19 na Angkas rider.
“Considered as closed na already,” sabi ni Lizada.
Ipinakita rin ng LTFRB ang mga dokumentong nakuha mula sa Makati Business Permits Office na may kalakip na apprehension notice.
Tinangkilik ng mga commuter ang Angkas dahil madaling makalusot ang motorsiklo sa masikip na trapiko sa Metro Manila kumpara sa mga kotse.
Isinagawa ang anti-colorum operation ng mga tauhan ng LTFRB, LTO at Highway Patrol Group (HPG) at sa pakikipagtulungan sa mga local government unit.
Sinabi pa ni Lizada na hindi ikinokonsiderang transportasyon ang motorsiklo kahit mayroon pang app na Angkas.