Ni: Kier Edison C. Belleza

LAPU-LAPU CITY, Cebu – Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Health (DoH)-Central Visayas sa pagkamatay ng dalawang sanggol sa Barangay Pajac sa Lapu-Lapu City, Cebu makaraang isisi ng mga magulang sa bakuna ang pagkamatay ng mga ito.

“All the details in connection with this report will be included in the investigation, where DoH personnel will visit the areas… Our task is to give out immunizations through our health centers but because of the death of the children, we will conduct an investigation,” sabi ni DoH-Region 7 Assistant Regional Director Dr. Sophia Mancao.

Nobyembre 8 nang bakunahan ng kumadrona sa barangay health center ang tatlong-buwan na si Ghirvaughn Mcreign Limpangog at ang apat na buwang si Ayesha Mae Suson ng pentavalent vaccine (PV) at pneumococcal conjugate vaccine, ayon sa pagkakasunod.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Makalipas ang tatlong araw ay kapwa binawian ng buhay ang mga sanggol pasado 2:00 ng hapon, kaya sinisi ng kanilang mga pamilya ang bakuna sa pagkasawi ng mga bata.

Gayunman, nakasaad sa death certificate na namatay si Limpangog dahil sa “status epilepticus” na may kasamang “meningitis”. Samantala, nasawi naman si Suson dahil sa “electrolyte imbalance secondary to acute gastroenteritis with severe dehydration.”

Dahil sa imbestigasyong isasagawa ng Regional Epidemiology Surveillance Unit ng DoH, pansamantalang ipinatigil ng health office ng siyudad ang lahat ng pagbabakuna sa nasabing health center hanggang kahapon.

Nobyembre 14 nang maghain ng reklamo si Ariel Igoy, lolo ni Limpangog, sa tanggapan ng DoH-Region 7 sa ngalan ng kanilang pamilya at ng mga Suson, dahil ayaw niya umanong mangyari ang insidente sa iba pang mga bata.

Sinabi naman ni Lenlen Suson na magsasampa siya ng kaso laban sa taong responsable sa pagkamatay ng kanyang anak, at iginiit na malusog at masigla si Ayesha Mae bago ito bakunahan. Hinala ni Lenlen, posibleng nagkaroon ng “overdose” sa bakuna ang dalawang sanggol, o maaari ring expired na umano ang bakuna.

Depensa naman ni Lapu-Lapu City Health Officer Dr. Rodolfo Berame, imposibleng ang bakuna ang ikinamatay ng mga sanggol dahil “they could have passed away on the day they were given the shots”. Iginiit din niyang sa Hunyo 30, 2018 pa mag-e-expire ang ginamit na bakuna.