Ni: Celo Lagmay

PALIBHASA’Y may matinding malasakit sa ating mga kalahi na halos magpaalipin sa pinaglilingkuran nilang mga dayuhan, itinuturing kong hulog ng langit, wika nga, ang proteksiyon sa kanilang seguridad at pagtiyak sa mga biyaya at kaluwagan na dapat nilang tamasahin. Itinatadhana ito ng makatuturang kasunduang Protection on Migrant Workers na walang kagatul-gatol na nilagdaan ng mga lider na dumalo sa katatapos na ASEAN Summit.

Mismong si Pangulong Duterte, tagapangulo ng naturang pagpupulong, ang mistulang dumakila sa kanyang mga kapwa head of states ng Association of South East Nations (ASEAN) dahil sa kanilang matapat na pangangalaga sa mga migrant workers o nandarayuhang mga manggagawa. Bagamat hindi pa ganap na naipapatupad, ang nasabing kasunduan ang natitiyak kong magkakaloob ng angkop na employment policy, sapat na health benefits at iba pang mga kaluwagan para sa mga manggagawa; nasasakop nito ang lahat ng migrant workers hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa.

Dapat lamang asahan na ang ating overseas Filipino workers (OFWs) ay mabibiyayaan ng naturang kasunduan. Marami sa ating kababayan, kabilang na ang ilang kamag-anak, ang matagal nang nagdurusa sa pagsasamantala at pagmamalupit ng ilang employers. May mga kasambahay, halimbawa, ang hindi nakaliligtas sa sexual harassment. Ang iba ay nanlalaban upang mahadlangan ang pagyurak sa kanilang kapurihan. Dangan nga lamang at sa ganitong pagtatanggol sa sarili, sila pa ang napapariwara; nagtitiis na lamang sa hangaring kumita para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pamamagitan ng nabanggit na kasunduan, kailangang paigtingin ng Duterte administration ang pagtugis sa gahamang mga illegal recruiters na hanggang ngayon ay naglipana at nagsasamantala sa ating mga migrant workers.

Nakapamamayagpag sila sa sapantaha na kasabwat sila ng ilang tiwaling tauhan ng gobyerno. Ang naturang mga illegal recruiter ang sinasabing pasimuno sa pagpapadala ng illegal drugs sa mismong tinutulungan nilang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Kailangang tiyakin ng administrasyon ang lubos na pag-agapay at pagsuporta sa ating OFWs. Sila ang lagi nating itinuturing na mga buhay na bayani na nag-angat sa ating lugmok na ekonomiya sa pamamagitan ng bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila sa ating bansa. Mabuti na lamang at pinagtibay na rin ang OFW Bank na mangangalaga sa kinikita ng migrant workers laban sa masalimuot na mga transaksiyon. Lalo sana silang mabiyayaan ng naturang makatuturang kasunduan.