MATAGAL na nating nakilala si Pangulong Duterte bilang isang matalinong pinuno, determinadong sugpuin ang krimen, partikular na ang ilegal na droga, at pursigidong nagsusulong ng matatag at epektibong pamahalan. Noong nakaraang linggo, nakita natin ang isang naiibang bahagi ng kanyang pagiging pinuno nang magsalita siya tungkol sa globalisasyon at ang masamang epekto nito, sa Asia-Pacific, Economic Conference (APEC) CEO Summit sa Da Nang, Vietnam.
Sa kabuuan, ang globalisasyon, ayon sa kanya, ay tunay na naging kapaki-pakinabang sa pandaigdigang ekonomiya, subalit may masamang epekto rin ito sa ilang ekonomiya, kabilang na ang sa Pilipinas. Hindi patas o pantay-pantay ang pag-unlad, aniya. Higit na nadama ang kaunlaran sa ilang bansa, kaya naman ang mga bansang gaya ng Pilipinas ay dumadanas ng “brain drain”, dahil nagsisipagtrabaho sa mauunlad na bansa ang mahuhusay na Pilipinong manggagawa.
“We must ensure that globalization does not just lead to wealth generation but, equitably, wealth distribution as well,” sabi ng Pangulo. Binigyang-diin niya ang pangangailangan sa isang “inclusive environment where everyone has the opportunity for growth.” Maaari itong maisakatuparan sa pagsusulong ng kumpetisyon at pagtutulungan sa negosyo.
Sinabi ng Pangulo na tatalakayin niya ang usaping ito sa pakikipagpulong niya sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Maynila. “If Europe can do it with its Union and America is starting to revive its industries, why can’t we, the ASEAN, do it?” aniya.
Tinukoy ni Pangulong Duterte ang isang punto sa kanyang mga komento tungkol sa globalisasyon, na ayon sa kanya ay isang mahalagang usapin para sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Aniya, dapat na pag-aralan ng mga ito ang umiiral ngayong pagluluwas ng raw materials sa mauunlad na bansa para lamang umangkat ng finished products na yari sa nasabing materyales, sa presyong apat na beses na mas mataas sa bentahan nito.
Noong Marso, sa kasagsagan ng alitan ni noon ay Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez sa industriya ng pagmimina, nagbigay ng mungkahi ang Chamber of Commerce of the Philippine Islands, ang pinakamatandang organisasyon ng mga negosyante sa bansa. Hindi tamang basta na lamang natin iluwas ang mga mineral na nakukuha sa ating mga minahan, anila. Dapat na iproseso natin ang ore para makalikha ng iron, copper, nickel, at iba pang metal na ginagamit sa paggawa ng finished products. Sakaling maisakatuparan natin ang lubos na pagpapaunlad sa ating ekonomiya, posibleng tayo mismo rito sa Pilipinas ang makalikha ng sarili nating produktong pambenta.
Umaasa tayong ang opinyon ng Pangulo sa globalisasyon at ang mga panukala sa pagpapaunlad ng ekonomiya ay magbigay-daan sa isang bagong kabanata para sa administrasyong Duterte.
Ang kampanya kontra droga, pagsugpo sa kurapsiyon, pagsisikap para sa pambansang seguridad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kasunduang pangkapayapaan sa mga ilang dekada nang nagrerebelde—nagbigay-daan ang mga ito para sa pagbabagong nagpanalo kay Pangulong Duterte noong eleksiyon ng 2016. Sa mga binanggit niya tungkol sa globalisasyon sa APEC Summit sa Vietnam, at sa panawagang iproseso ang sarili nating raw materials, inaasahan natin ang higit pang pagsisikap ng gobyerno upang higit pang mapasulong ang ekonomiya.
Ang pambansang kaunlaran ng ekonomiya ay magreresulta sa mas maginhawang buhay para sa ating mamamayan.