Ni: Reggee Bonoan
INABUTAN naming nakaupo sa gilid ng sinehan ang buong cast ng ‘Nay sa sold-out Gala premiere ng pelikula for Cinema One Originals.
Pinapanood nina Enchong Dee, Carla Humpries, Jameson Blake, Harvey Bautista, Sylvia Sanchez kasama ang direktor nilang si Kip Oebanda ang mga taong nagpapasukan sa loob ng sinehan at inaalam kung ano ang reaksiyon ng mga ito.
Nilapitan namin si Sylvia at tinanong kung ano ang pakiramdam niya nang mga sandaling iyon.
“Kinakabahan kasi hindi ko alam kung magugustuhan ng manonood ang pelikula. Natutuwa ako kasi first time kong maging bida sa pelikula at sold out pa, imagine, ang laki ng sinehan, hindi ko maisip na nag-sold out,” seryosong sabi ng aktres.
Biniro namin si Ibyang na magiging laman siya ng mga pahayagan ng isang buong linggo sa pagkakapanalo niya ng Best Actress sa 31st PMPC Star Awards for TV, may gala night ng indie movie nila, at ngayon ay grand presscon naman ng bagong serye nilang Hanggang Saan na eere na sa ABS-CBN sa Nobyembre 27 bagamat wala pang ibinibigay na timeslot.
“Oo nga, nakakatuwa, ang sarap sa pakiramdam, ganito pala ‘pag bida ka. Kasi dati nu’ng bago lang ako, ayaw na ayaw kong um-attend ng presscon kasi hindi naman ako natatanong, nakasasama lang ng loob. Kaya ‘yun ang trauma ko,” sey ng aktres.
Samantala, nagkatawanan ang cast and crew nu’ng kinukunan sila ng maraming photographers kasama ang TV crew nang sabihin ni Ibyang na, “Ganito pala ang pakiramdam sa gala night, ang daming nagkikislapang kamera, ngayon ko lang naranasan ito.”
Ngayon pa lang naman kasi naging bida sa pelikula si Sylvia bagamat nauna na sa teleserye, parati siyang support lang sa bida o kaya isa lang sa cast.
Anyway, allegory at malalim ang pelikula ni Direk Kip na siya mismo ang sumulat ng script. Pero mauunawaan ng viewers ang double meaning lahat lalo na sa eksenang ipinakita ang mahihirap na mamamayan na madali lang patayin dahil madaling lusutan kumpara sa mayayaman at may mga posisyon sa gobyerno na mahirap dahil hahabulin o tutugisin ka.
Akmang-akma sa mga nangyayari ngayon sa kapaligiran dahil ang mahihirap na pinapatay nang walang kalaban-laban nagiging statistics lang na madaling nakakalimutan.
Malalalim ang hugot ng direktor sa lahat ng mga eksena sa’Nay pero ayaw naming magkuwento nang buo para ma-enjoy ng mga manonood ang pelikula.
Puwedeng manood ang mga bata dahil Parental Guidance ito at nakatitiyak kami na titimo sa isipan ng mga manonood ang bawat linyang maririnig nila kina Enchong, Jameson, Carla at Sylvia.