Dalawa sa pinakamayayamang pamilya sa Pilipinas ang napabilang sa listahan ng Asia’s 50 Richest Families ng Forbes magazine.
Ayon sa media reports, ikasiyam sa listahan ang pamilya ni Henry Sy, Sr., ang pinakamayaman sa Pilipinas, na kumita ng $20.1 billion ngayong taon, o tumaas ng 57 porsiyento sa loob ng 12 buwan.
Pasok din ang pamilya Zobel sa ika-43 puwesto, na mayroong ari-ariang nagkakahalaga ng $6.1 billion.
“Asia’s 50 Richest Families list is a snapshot of wealth using stock prices and currency exchange rates from the close of markets on November 3, 2017,” iniulat na pahayag ng Forbes.
Papalo sa $699 billion ang kabuuang ari-arian ng 50 pinakamayayamang pamilya sa Asya—na sa unang pagkakataon ay pinangunahan ng pamilya Ambani, na may $44.8 billion.
Nahigitan ng pamilya Ambani ang pamilya Lee ng Samsung empire, ng South Korea na may $40.8 billion.
Kabilang din sa top 10 richest Asian families ang mga Kwok ng Hong Kong, na may $40.4 billion; Chearavanont ng Thailand, $36.6 billion; Hartono ng Indonesia, $32 billion; Lee ng Hong Kong, $29 billion; Kwek/Quek ng Singapore, Malaysia, $23.3 billion; Cheng ng Hong Kong, $22.5 billion; at Chirathivat ng Thailand, $19.3 billion, ayon sa media reports.