Ni FER TABOY, at ulat ni Mary Ann Santiago
Naglunsad kahapon ang militar ng air at artillery assaults laban sa mga armadong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na namataan sa dalawang bayan ng Maguindanao.
Ayon kay Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, isinagawa ang pag-atake matapos na makatanggap ng impormasyon ang militar na sinakop umano ng BIFF ang Barangay Timbangan sa bayan ng Shariff Aguak, gayundin ang Barangay Meta sa Datu Unsay.
Batay sa pahayag ni Encinas, natanggap ng militar ang report na may 10 armadong miyembro ng BIFF ang nakita sa Shariff Aguak.
“Upon verification we have confirmed there are armed men and we launched an artillery and air fire mission at 4:00 am,” sabi ni Encinas.
Ayon pa sa ulat ng militar, unang pinaputukan ng 105mm Howitzer cannons ang posisyon ng mga bandido.
Sumunod naman ang helicopter na may MG-520 sa paligid ng Datu Unsay dakong 5:20 ng umaga.
Sinabi ni Encinas na walang napaulat na nasawi sa panig ng BIFF, na pinamumunuan ni Ismael Abubakar, alyas “Kumander Bungos”, at wala ring casualty sa panig ng Army.
Nagpapatuloy ang clearing operations ng militar sa nabanggit na mga lugar habang isinusulat ang balitang ito.
Una nang kinumpirma ng militar na may tactical alliance ang BIFF sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at sa Maute Group na nakabase sa Lanao del Sur.
Matatandaang Mayo 23 nang salakayin ng Maute ang Marawi City, na nagbunsod ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng batas militar sa buong mundo. Oktubre 23 naman nang ganap na mabawi sa mga terorista ang siyudad.
Samantala, mariin namang binatikos ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo ang panibagong pag-atake ng mga terorista sa Maguindanao, at ang pagsusunog ng mga ito sa isang kapilya ng Simbahang Katoliko sa national highway ng Bgy. Labu-Labu sa Shariff Aguak.
Ikinagalit ng Cardinal ang ayon sa kanya ay malisyoso at pagpapakita ng kawalan ng respeto sa pagsunog sa mga relihiyosong rebulto sa loob ng kapilya.
“This criminal act is an abhorrent desecration of a place of Catholic worship,” ani Quevedo. “Such a crime is most disturbing and provocative.”
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng religious vandalism sa kapilya noong gabi ng Nobyembre 9.