NI: Lyka Manalo
BATANGAS CITY - Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes ang resolusyon na maaari nang makipagkasundo sa Memorandum of Understanding (MOU) si Gov. Hermilando Mandanas sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magtayo ng ‘Bantayog Wika’ sa loob ng kapitolyo.
Ayon kay Board Member Claudette Ambida, chairman ng Committee on Tourism, Culture and Arts, nais ng KWF na maglagay ng bamboo-inspired sculpture sa marble terrace na sumisimbolo sa mga katutubong wika ng bansa.
Ito rin umano ay pagkilala sa Batangas bilang sentro ng diyalektong Tagalog.
Sa ilalim ng MOU, ang bamboo-inspired sculpture na gawa sa stainless ay ipagkakaloob ng KWF sa lokal na pamahalaan at bilang bahagi ay magtatayo naman ito ng pedestal.
Inaasahang bubuksan sa publiko ang nasabing proyekto sa selebrasyon ng Batangas Foundation Day sa Disyembre 8.