Ni: Anna Liza Alavaren at Bella Gamotea

Pinaiiwas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista sa Roxas Boulevard ngayong Miyerkules kasunod ng mga ulat na plano ng mga raliyista na magsagawa ng kilos-protesta sa lugar kasabay ng pagtatapos ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Sinabi kahapon ni Emmanuel Miro, pinuno ng MMDA Task Force ASEAN, na palalawigin nila ang pagsasara ng Roxas Boulevard mula sa P. Burgos Avenue hanggang Buendia dahil sa usaping pangseguridad na dulot ng napaulat na presensiya ng mga raliyista sa lugar.

“There is an intelligence report that rallyists would occupy Roxas Boulevard, so we advise motorists to avoid passing the area and other engagement venues,” sabi ni Miro.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Kasabay nito, sinabi ni Miro na binuksan na ng MMDA ang ASEAN lanes sa EDSA southbound, habang ang northbound ASEAN lane ay iisa na lamang.

MGA PULIS VS RALIYISTA, DINAGDAGAN PA

Samantala, dahil na rin sa matinding kilos-protesta na isinagawa ng mga militanteng grupo sa Maynila sa nakalipas na mga araw, nagdagdag pa si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director at Task Group Manila Commander Oscar Albayalde ng 1,000 pulis mula sa Special Action Force (SAF) at Police Regional Office (PRO)-4A laban sa mga bayolentang raliyista.

Umani ng batikos ang umano’y overkill na dispersal sa mga raliyista sa Padre Faura Street nitong Lunes, na humantong sa tulukan, balyahan at pukpukan, kung saan anim na pulis at ilang aktibista ang nasugatan.

Idinepensa naman ni Albayalde ang paggamit ng NCRPO ng “sonic alarm” sa pagbuwag sa hanay ng mga nagpoprotesta sa unang araw ng ASEAN Summit nitong Lunes, at sinabing hindi na bago ito.