NGAYONG nagpasya na ang Court of Appeals na “deemed approved by operation of law” na ang pagbebenta ng San Miguel Corporation (SMC) ng P69-bilyon telco assets nito sa Philippine Long Distance Telecom Co. at Globe Telecom, inaasahan na nating isasakatuparan na ng dalawang kumpanya ang mga programa nito upang mapabilis ang kani-kanilang serbisyo.
Hunyo 2016 nang igiit ng Philippine Competition Commission (PCC) ang pagbusisi sa nasabing P69-bilyon bentahan at hiniling sa dalawang telcos na magsumite ng mga dokumento ng transaksiyon. Kalaunan, sinabi nitong ang mga dokumentong isinumite ay depektibo in form at substance at ang notification ng mga ito sa PCC ay hindi nakatutupad sa requirements ng komisyon.
Nitong Oktubre 18, 2017, inatasan ng CA ang PCC na itigil na ang anumang paghimay sa nasabing kasunduan dahil nakatutupad ang nasabing bentahan sa sariling memorandum circulars ng PCC na nag-oobliga sa mga partidong sangkot sa transaksiyong nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon na ipaalam sa komisyon ang mga detalye ng kasunduan.
Labing-pitong buwan na ang nakalipas simula nang maisapinal ang P6-bilyon kasunduan na nagpapahintulot sa PLDT at Globe na bilhin ang 700-megaherz frequency na magpapabuti sa serbisyo ng dalawang telcos. Binigyan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng isang taon ang dalawang kumpanya upang maisakatuparan ito subalit ang legal na hakbanging ginawa ng PCC ang nagpahito sa lahat ng ikinasang programa para mapakinabangan na ang bagong frequency.
Sa desisyon nito noong nakaraang buwan, kinilala ng Court of Appeals ang mga awtoridad ng NTC at ng PCC. Dalubhasa ang NTC sa mga teknikalidad upang magtakda ng radio frequencies, habang nasa PCC naman ang kapangyarihang matukoy ang mga aspeto ng kumpetisiyon sa paglalaan ng frequency bagamat hindi na nito kailangang busisiin pa ang desisyon ng NTC sa usaping ito. Dapat na konsultahin ng dalawang ahensiya ang isa’t isa, “guided by the overarching goals of promoting market efficiency and promoting the consumers’ welfare, with a keen awareness that overzealous intervention by regulatory agencies may deter and hamper the very goals they seek to achieve,” ayon sa korte.
Ang paalalang ito ay para sa dalawang regulatory agency. Para sa dalawang telecommunication firm — ang PLDT at Globe — ang pasya ng korte ay dapat na maging hudyat upang simulan na nila ang pagsasakatuparan ng matagal nang nabimbin na mga plano upang mapag-ibayo ang kani-kanilang serbisyo.
Maraming iba pang problema ang kanilang kinahaharap, kabilang ang red tape sa gobyerno na nakapipigil sa pagtatayo ng mga tower at cell sites. Subalit ang pasya ng Court of Appeals ay dapat na ngayong pakinabangan ng dalawang telcos upang lubos na magamit ang 700-megahertz frequency na nabili nila sa San Miguel noong nakaraang taon.