Ni: Danny J. Estacio

LUCENA CITY, Quezon – Binaril at napatay ang isang barangay chairman habang papalabas sa gate ng kanyang bahay sa Pleasantville Subdivision sa Barangay Ilayang Iyam, Lucena City, Quezon, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Senior Supt. Rhoderick Armamento ang pinaslang na si Eduardo Beriña, 50, kilala bilang “Kapitan Paga”, at chairman ng Bgy. Ibabang Iyam sa Lucena.

Nagtamo si Beriña ng dalawang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril, at kaagad na binawian ng buhay, ayon sa pulisya.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Sinabi ni Armamento na bandang 6:45 ng umaga at papalabas ang biktima sa gate ng bahay nito nang barilin sa ulo ng hindi nakilalang suspek.

Nakatakbo pa ang kapitan papasok sa bahay nito, pero napalupasay sa bungad ng sala habang habol pa rin ng suspek.

Nabanggit na matagal nang nakatatanggap ng banta sa buhay si Beriña.

Napag-alaman na dumalo pa sa flag-raising ceremony nitong Lunes si Beriña at pinuna pa ni Lucena City Mayor Roderick Alcala ang kalungkutan sa mukha ng kapitan.

Bandang 11:30 ng gabi nitong Lunes ay nakipagkuwentuhan pa ang biktima sa ilang kakilala tungkol sa pinaplanong selebrasyon para sa kaarawan nito sa Nobyembre 23.