Ni Ellson A. Quismorio

Pinalakas pa ng 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang puwersa nito laban sa cybercrime.

Ito ay matapos na pagtibayin ng 10-nation bloc ang deklarasyon “to strengthen the commitment of ASEAN member states to cooperate at the regional level in preventing and combating cybercrime.”

Napagkasunduan ang tatlong-pahinang dokumento sa ikalawang araw ng 31st ASEAN Summit and Related Summits na idinaos sa Maynila.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bukod sa Pilipinas, kasapi rin ng ASEAN ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, at Vietnam.

Ang deklarasyon ay alinsunod sa ASEAN Declaration on Transnational Crime, na nilagdaan ng ASEAN Ministers of Interior/Home Affairs noong Disyembre 20, 1997, sa Maynila sa 1st ASEAN Ministerial Meeting on Transnational Crime (AMMTC).

Bukod diyan, ang deklarasyon ay resulta ng ASEAN Plan of Action to Combat Transnational Crime 2016-2025, na pinagtibay ng AMMTC noong Hulyo 26, 2017.

Sa ilalim ng nasabing plan of action, nagkasundo ang mga kasapi ng ASEAN na patuloy na magtutulungan sa pagsisikap na maiwasan at labanan ang cybercrime, gayundin ang terorismo at transnational crime gaya ng drug trafficking, money laundering, arms smuggling, at pamimirata.

CONSOLIDATED REGIONAL ACTION

“Just like in other transnational crimes, the continuity of existing global framework against cybercrime rests on consolidated regional action in the institutional and operational spheres,” nakasaad sa deklarasyon.

Kabilang na rito ang 10 hakbangin na maaaring makamit ng 50- anyos na regional bloc laban sa cybercrime.

Mababanggit na halimbawa ang pagpapalakas sa kakayahan ng bawat miyembro ng ASEAN sa paglaban sa cybercrime sa pamamagitan ng pagtutulungan pagdating sa pagsasanay at research facilities sa educational, professional, technical at administrative spheres.