Ni FER TABOY, at ulat ni Mike U. Crismundo

Dalawang pulis ang dinukot ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) habang naka-duty sa Barangay Bad-as sa Placer, Surigao del Norte nitong Lunes ng hapon.

Kaagad na bumuo ng Crisis Incident Management Task Group ang Surigao del Norte Police Provincial Office (SNPPO) upang masusing imbestigahan ang pagdukot ng mga rebelde sa dalawang pulis, dakong 1:40 ng hapon nitong Lunes, sa Bgy. Bad-as sa Placer.

Kinilala ni Chief Insp. Renel Serrano, public information officer ng Police Regional Office (PRO)-13, ang mga dinukot na sina PO2 Alfredo Degamon Jr., at PO2 John Paul Doberte, kapwa nakatalaga sa Placer Municipal Police.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Chief Insp. Serrano, naka-duty ang dalawang biktima sa police box sa national highway ng Bgy. Bad-as nang biglang sumalakay ang mga rebelde sakay sa isang Hyundai Starex van at kinuha ang mga .9mm caliber pistol na service firearm ng dalawa.

Puwersahan umanong isinakay ng mga suspek ang dalawang pulis sa van, na kalaunan ay inabandona rin sa Bgy. Mabini sa Placer, ayon kay Chief Insp. Serrano.

Samantala, sa panayam ng isang lokal na himpilan ng radyo sa Butuan City nitong Lunes ng gabi, ay kinumpirma ng isang “Ka Oto”, umano’y tagapagsalita ng guerilla-Front Committee 19 ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee, na mga tauhan nga ng kilusan sa Surigao del Norte ang dumukot sa dalawang pulis.

Gayunman, tiniyak niya sa mga kaanak at kaibigan nina Degamon at Doberte na walang dapat ipag-alala ang mga ito dahil ligtas ang mga pulis dahil tumatalima umano ang NPA sa “code of international war and human rights”.

Dagdag ni Ka Oto, iniimbestigahan lang ng NPA ang dalawang pulis sa mga nagawa umano ng mga ito na may kaugnayan sa drug war, at sa sinasabing panggigipit sa ilang residente sa lugar.

Subalit sa isang panayam kahapon, sinabi ni Chief Insp. Manolito D. Parazo, hepe ng Placer Police, na ang dalawang dinukot na pulis ay “good policemen and no bad record in their current service”.