Ni REGGEE BONOAN
MULING umakyat ng entablado si Sylvia Sanchez nitong Linggo, Nobyembre 12 nang tanggapin ang Best Actress trophy sa 31st PMPC Star Awards for Television para sa papel niyang Mama Gloria sa teleseryeng The Greatest Love.
Kahit ilang beses nang tumanggap ng award ang aktres ay hindi pa rin niya nape-perfect ang thank you speech niya at marami siyang nakakalimutan. Dito sa huli, hindi niya napasalamatan ang magulang, mga kapatid, kaibigan at kasamahan sa Power Arte Inc. management.
“Nanginginig kasi ako kapag nasa stage na ako, ang dami-dami kong gustong sabihin ‘tapos hindi ko pala nasabi lahat.
“Nakakatawa nga, kasi nasabi ko kung kailan ang airing ng bago naming teleserye ni Arjo (Atayde), hindi ko naman nabanggit kung anong title, hay naku,” tumatawang sabi ni Ibyang habang papalabas na ng Henry Irving Theater ng Ateneo de Manila University.
Pero hindi nakalimutang pasalamatan ng aktres ang business unit head na si Ms. Ginny Monteagudo-Ocampo.
“Kay Miss Ginny Monteagudo-Ocampo dahil siya po ang nagtiwala at lumaban para mapasa akin po ‘yung role na Gloria.”
Si Ms. Ginny rin ang unang nagtiwala kay Arjo para sa una nitong seryeng E-Boy noong 2012 at sa kapatid nitong si Ria Atayde na isinama sa Ningning, 2015.
At habang naglalakad na ang aktres palabas ng Ateneo ay tinatawag pa rin siya sa mga pangalang ‘Mama Gloria at Mommy-La’ sabay pa-picture.
Ang lakas ng impact ng karakter na Gloria sa showbiz career ni Sylvia kaya hindi natatapos ang pasalamat niya sa lahat ng sumubaybay, nagtiwala, nakasama niya sa serye at sa lahat ng naniniwala sa kanya na nagbigay ng award.
Umaasa rin si Ibyang na sana’y mahalin at kapitan din ng manonood ang bago niyang karakter na Sonya sa Hanggang Saan na mapapanood na sa Nobyembre 27.
Masaya rin si Sylvia si indie movie niyang ‘Nay na binigyan ng Parental Guidance o PG rating ng MTRCB kaya puwede itong mapanood ng mga bata basta’t kasama ang kanilang mga magulang.
Hirit namin, paano nakapasa sa PG ang isang horror movie na ang main character ay kumakain ng tao?
“Pamilya kasi ang tema ng ‘Nay, maski na aswang ako, may puso dahil hindi ko pinatay ang alaga kong si Enchong (Dee) kasi mahal na mahal ko siya. Ibang klaseng pagkananay ang role ko rito. Kaya siguro ‘yun ang nakita ng MTRCB, may puso ang kuwento ng ‘Nay,” paliwanag ng aktres.
Ang ‘Nay na idinirek ni Kip Oebanda ay kasama sa siyam na pelikulang ipapalabas ng Cinema One Originals Film Festival simula ngayong araw, Nobyembre 13 hanggang 22.
Magkaka-award siya sa ‘Nay?
“Hindi ko alam, ayaw kong umasa, kung ibigay maraming salamat, kung hindi, okay lang din, at least napasama ako sa Cinema One Film Festival, first time ko, eh,” saad ng aktres.