Tinalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga iringan sa South China Sea sa kanilang bilateral talks ni Australian Prime Minister Malcolm Turnbull nitong Linggo ng gabi.

Naganap ang pagpupulong nina Duterte at Turnbull pagkatapos ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 50th Anniversary Special Gala dinner na inihanda ni Duterte para sa 20 pang world delegates at iba pang mga bisita.

Sa kanilang pag-uusap, ikinuwento ni Duterte sa Prime Minister ang bilateral talks nila ni Chinese President Xi Jinping sa sidelines ng 2017 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Da Nang, Vietnam noong Sabado.

Sinabi ng Pangulo kay Turnbull na tila nagulat si Xi sa bagong paninindigan ni Duterte sa isyu sa South China Sea at kung paano isinantabi ng Chinese President ang militarisasyon sa mga pinagtatalunang karagatan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Tsaka we’re also concerned about what’s happening in the South China Sea--the continued build up of military installations, and in our bilateral last night with Mr. Xi Jinping, I told the President our misgivings,” ani Duterte kay Turnbull.

Pinalabas ang media sa venue bago pa man nila marinig ang naging sagot ng Australian Prime Minister.

Hindi makadadalo si Xi sa 31st ASEAN-East Asia Summit sa Manila. Ang China, isa sa dialogue partners, ay kakatawanin ni Chinese Premier Li Keqiang. - Argyll Cyrus B. Geducos