ISINAILALIM ng Department of Health ang lahat ng ospital sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon sa blue alert, alinsunod sa pagiging punong-abala ng bansa sa 31st ASEAN Summit and Related Meetings.
“It will be elevated to Code Blue starting Sunday until November 15 in the NCR, Region 3, and Region 4-A,” lahad ni Health Undersecretary Herminigildo Valle.
Ang pagtataas ng code blue ay karaniwang ginagawa at kinakailangan upang masiguro ang kahandaan ng mga ospital kapag mayroong mga pandaigdigang aktibidad, para makapagbigay ng mabilis na serbisyo ang mga pagamutan.
“The possible need for emergency response (in events like this) is perceived as higher,” ani Valle.
Sa ilalim ng code blue alert, 50 porsiyento ng lahat ng tauhan ng ospital ay papasok upang magbigay ng medikal at iba pang serbisyo sa harap ng anumang sitwasyon ng emergency.
Obligado ang mga Health Emergency Management Bureau coordinator ng Department of Health na maging pisikal na nasa mga ospital na isinailalim sa Code Blue.
Ang kailangang health personnel ay dapat na binubuo ng on-scene response team, mga medical officer na mangangasiwa sa emergency room, lahat ng tauhan sa Department of Orthopedics, medical officer para sa operating room, surgical team na duty sa araw na iyon, surgical team na naka-duty ng nakaraang araw, ilang mental health professional.
Kailangan ding nasa ospital sa lahat ng oras ang lahat ng tauhan sa anaesthesiology, mga toxicologist, eksperto sa kemikal na nakakalason, lahat ng third at fourth year residents, administrative officer, nursing supervisor na duty, lahat ng nurse sa operating room, social worker, dietary personnel, opisyal na mangangasiwa sa supplies at sa buong puwersang pangseguridad, at lahat ng trabahador na naka-duty sa araw na iyon. - PNA