Paul George #13 of the Oklahoma City Thunder (Layne Murdoch / NBAE / Getty Images / AFP)
Paul George #13 of the Oklahoma City Thunder (Layne Murdoch / NBAE / Getty Images / AFP)

OKLAHOMA CITY (AP) — Naisalba nina Paul George at Russel Westbrook ang pagkawala nang dalawang starter – Carmelo Anthony at center Steven Adams – para magapi ang Dallas Mavericks, 112-99, nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Hataw si George sa naiskor na 37 puntos, habang kumana si Westbrook ng 27 puntos para maipanalo ang laro sa kabila nang pagkawala nina Anthony at Adams na kapwa nagtamo ng injury.

Nagtumpok ang dalawang superstars sa matikas na 26-10 run ng Thunder sa third period upag tuluyang ilayo ang bentahe tungo sa ikaanim na panalo sa 13 laro.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna sa Mavericks si Harrison Barnes sa naiskor na 22 puntos at 13 rebounds, habang tumipa si Yogi Ferrell ng 18 puntos. Nabigo ang Dallas sa siyam sa 10 laro para sa 2-12 karta.

ROCKETS 118, PACERS 95

Sa Indianapolis, pinabagsak ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na may 26 puntos at 15 assists, ang Pacers.

Nag-ambag si Indianapolis native Eric Gordon para sa Houston sa nakubrang 21 puntos, habang kumana si Clint Capela ng 20 puntos at 17 rebounds.

Umabot sa pinakamalaking 23 puntos ang bentahe ng Houston sa kabuuan ng laro.

Nagsalansan ng 28 puntos si Victor Oladipo, habang humugot ng 17 puntos si Domantas Sabonis para sa Indiana.

PISTONS 112, HEAT 103

Sa Detroit, ratsada si Tobias Harris sa naiskor na 25 puntos, habang umingkas si Avery Bradley sa 24 puntos sa panalo ng Detroit Pistons kontra Miami Heat.

Nag-ambag si Reggie Jackson ng 17 puntos, habang humirit sina rookie Luke Kennard at Andre Drummond ng 16 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod para sa 10-3 karta – pinakamatikas na simula ng Pistons mula noong 2005-06 season.

Nabasura ang impresibong laro ni Hassan Whiteside sa 20 puntos at 12 rebounds, habang kumikig si Dion Waiters ng 16 puntos at limang assists para sa Miami.