Inaresto ng isang babaeng pulis ang kapitbahay niyang driver nang maaktuhan niya ito sa pamamaril at pagpatay sa kalugar nilang basurero matapos na sitahin ng huli ang suspek dahil sa maling pagtatapon ng basura sa isang lamayan sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City, kahapon ng umaga.
Nahaharap sa kasong pagpatay si Ramil Canana, 41, driver, matapos umanong barilin at mapatay ang kapitbahay niyang si Arnold Gallo, alyas “Ambot”, garbage collector, nasa hustong gulang, kapwa residente ng Batao Street sa Bgy. Addition Hills.
Batay sa ulat nina SPO2 Albert Fontanilla at SPO1 Laurence Punzalan, ng Mandaluyong City Police, kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula, nabatid na dakong 7:10 ng umaga kahapon nang mangyari ang krimen sa Batao Street.
Nauna rito, kapwa nagtungo sa burol ng kanilang kapitbahay sina Canana at Gallo pero nagtalo ang dalawa matapos na sitahin ng biktima ang suspek hinggil sa maling pagtatapon ng basura ng huli.
Naawat naman umano ng mga kapitbahay ang dalawa hanggang sa umalis ang suspek, na noon ay lasing na.
Lingid sa kaalaman ng biktima, kumuha lang pala ng .38 caliber revolver si Canana, nilapitan si Gallo at sinabi: “Heto, hindi ba ito puputok?” at pinaputukan sa ulo ang hindi nakahumang biktima, na kaagad na nasawi.
Nagkataon namang papalabas noon sa kanyang bahay si SPO2 Jean Capili Aguada, 36, chief clerk ng Police Community Relations Branch ng Mandaluyong City Police, at nasaksihan niya ang pagpatay kaya kaagad niyang inaresto ang armadong suspek.
Nanlaban at nakipag-agawan pa umano ng baril si Canana sa pulis ngunit nagawa pa rin siyang masupil ni SPO2 Aguada hanggang tuluyang maaresto. - Mary Ann Santiago