ni Dave M. Veridiano, E.E.

"PAMANTASAN, pamantasang mahal. Nagpupugay kami’t nag-aalay, ng pag-ibig, taos na paggalang. Sa patnubay ng aming isipan…”

Umpisang bahagi ng awitin ng paaralang aking pinagtapusan noong kalagitnaan ng dekada ’70—ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na mas kilala sa tawag na PLM. Ito ang namumukod-tangi noon na unibersidad sa buong bansa, na wala ni isang sentimo na binabayaran ang mga mag-aaral upang makapagtapos ng isang buong kursong pangkolehiyo!

Sa halip na magbayad ang mga estudyanteng may angking talino ngunit nabibilang sa mga pamilyang nagdarahop sa Lungsod ng Maynila at piling paaralan sa kanugnog na lalawigan, ang mga ito pa ang pinagkalooban ng libreng uniporme, mga araling aklat, at iba pang tulong sa pag-aaral na kung ihahambing sa mga pribadong paaralan ay napakalaking gastusin na.

Nasayang nga lamang ang napakagandang proyektong ito nang magsimulang pasukin ng pulitika ang pamamalakad sa “Pamantasan naming mahal”, kaya naapektuhan ang BANAL nitong layunin para sa edukasyon ng mahihirap na “Batang Maynila”, subalit lumalaban pa rin naman ang institusyong ito sa kabulukang dulot ng maduming pulitika! Nakatayo pa rin ito at patuloy sa paghubog at paglikha ng mamamayang responsable at kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino.

‘Di ko mapigil na magbalik ito sa aking alaala dahil sa nabasa kong magandang balita mula naman sa ilan nating mambabatas na may akda ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act—ang batas na ganap na magbibigay ng libreng edukasyon sa mga anak ng mamamayang nag-aaral sa may 112 state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa. Uumpisahan ito sa taong 2018-2019. Nakapaloob sa 2018 national budget ang P40 bilyon para sa pagpapatupad sa RA 10931, sa pagpasok ng school year 2018-2019.

Mas pinasaya pa nga ni Sen. Bam Aquino ang mga magulang nang ibalita niyang mas mapapaaga ang pagpapatupad sa naturang batas ngayong taong ito. Ayon kay Senador Aquino, principal sponsor at co-author ng RA 10931, ipinarating sa kanya ng Commission on Higher Education (CHED) na wala nang kokolektahing tuition at miscellaneous fees mula sa mga estudyante ngayong semester: “Kinumpirma ko na implemented na po ito this second semester. So, lahat ng mag-e-enrol this second semester, dapat wala nang kinokolektang tuition at miscellaneous expenses.” Isang masigabong palakpakan naman d’yan!

At para naman sa mga estudyanteng hindi nakatapos ng kurso sa kolehiyo, mga biglang tumigil sa pag-aaral dahil sa kakapusan sa pera, ‘tila may pagkakataon pa para sa kanila na makatapos. Makipag-ugnayan lamang ang mga ito sa SUC na dating pinasukan upang mapag-usapan kung ano ang nararapat gawin para muli silang makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral—nang libre rin.

Ang sarap sana kung parating ganitong magandang balita ang ating maririnig sa ating mga pulitiko at mambabatas. Hindi ‘yung gaya ng halos lagi na lamang na pagbabangayan, pagsisiraan at patutsadahan ng mga ito ang ating inaalmusal, tinatanghalian, at hinahapunan araw-araw!

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].)