ni Ric Valmonte
SINAMPAHAN ni Sen. Antonio Trillanes ng mga kasong plunder, malversation, graft at violation of The Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees sa Office of the Ombudsman sina Sen. Richard Gordon at Gwendolyn Pang. Pinaiimbestigahan ni Sen. Trillanes ang umano ay maanomalyang paggastos ni Sen. Gordon sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) nito na nagkakahalaga ng P193 million, na ibinaling niya sa Philippine Red Cross (PRC).
Ill-gotten wealth, ayon kay Trillanes, ang umano ay maling paggamit ng pondo para sa campaign materials nito, na isa sa mga alegasyon ng plunder. Kumandidato si Gordon para sa panguluhan noong 2010 at para sa Senado noong 2013.
Inakusahan ni Trillanes si Pang na pumasok sa mga maanomalyang transaksiyon para sa personal na interes ni Gordon gamit ang PDAF na ibinigay sa PRC. “Ethical ba,” tanong ni Trillanes, “na i-divert ang kanyang pork barrel sa NGO na siya ang chairman at chief executive officer nito mula noong 2004?”
Nauna rito, inireklamo ni Gordon si Trillanes sa Senate Committee on Ethics. Tinawag kasi ni Trillanes ang Senate Blue Ribbon Committee ni Gordon na “comite d’ absuelto”. Dinidinig noon ng komite ni Gordon ang smuggling na naganap sa Bureau of Customs (BoC) na kinasangkutan ng P6.4 bilyon halaga ng shabu. Natunton ang ilegal na droga sa isa sa mga warehouse sa Valenzuela.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawang Senador tungkol sa isyu kung dapat na imbitahan ang anak ni Pangulong Duterte na si Paolo at ang manugang nitong si Atty. Mans Carpio. Iginiit ni Sen. Trillanes na dapat silang imbitahin dahil nabanggit ng whistleblower na si Mark Taguba ang Davao Group na isa umano sa mga binibigyan nila ng “tara” upang mapabilis ang paglabas ng kanilang kargamento sa BoC. Hindi na kailangang siyasatin pa ang mga ito, kaya nakalusot ang malaking shipment ng shabu.
Ayon kay Taguba, nagbigay siya ng “enrolment fee” na P4 milyon sa Davao Group sa pamamagitan ni “Small”, upang mapasama sa mga importer na mabilis na nailalabas ang mga kargamento na hindi na kailangan pang siyasatin. Si “Small” ay konsehal, samantalang si Paolo ay bise alkalde ng Davao City.
Dahil sa nakita ni Trillanes, batay sa mga deklarasyon ng mga naging resource persons, na ang smuggling sa BoC ay naganap dahil sa impluwensiya ng Davao Group at ugnayan nina “Small” at Paolo, nagpanukala siya sa komite na paimbitahan sa pagdinig sina Paolo at ang bayaw nitong si Atty. Mans Carpio.
Tinanggihan ito ni Gordon dahil wala raw namang maipakitang ebidensiya si Trillanes na may kinalaman sina Paolo at Carpio sa pagpupuslit ng kargamento. Nagkainitan sina Gordon at Trillanes at nasabi tuloy ni Trillanes na “comite de absuelto” ang komite ni Gordon.
Pero, ang isyu ngayon ay ethics.
Napilitang ipatawag ni Gordon sina Paolo at Atty. Carpio, pero pagkatapos ng pagdinig, sukat ba namang sabihin niyang wala namang nailabas si Trillanes sa ginawa nitong pagtatanong sa dalawa. Minaliit niya iyong kahilingan ni Trillanes kay Paolo na ipakita ang tattoo sa likod nito pagkatapos umamin ang huli na mayroon nga itong tattoo sa likod. Ito ang katibayan ni Trillanes na miyembro ng sindikato ng droga si Paolo.
Hindi ba pagpapakita ito ng kawalang galang sa kapwa senador, lalo na’t idinepensa pa niya iyong pagtanggi ni Paolo na magpakita ng tattoo? Napilitan tuloy si Trillanes na halukayin ang records ni Gordon sa PRC pagkatapos na magbalat-sibuyas ito sa sinabi niyang “comite de absuelto” ang Blue Ribbon.
Pero, ang dahilan ng gulong ito nina Gordon at Trillanes, ayon mismo kay Trillanes, ay ang pagtatakip ni Gordon sa amo nitong si Pangulong Duterte.