Ni MARY ANN SANTIAGO

Nagkatulakan, nagpang-abot at nagkabombahan ng tubig ang mga militanteng grupo at mga pulis nang magpumilit ang mga raliyista na makalapit sa United States Embassy sa Roxas Boulevard sa Ermita, Maynila kahapon, at ilang raliyista at pulis ang bahagyang nasugatan.

Isang lalaking raliyista ang napaulat na kinailangang isugod sa Philippine General Hospital (PGH) matapos na tamaan ng matigas na bagay sa ulo, sa kasagsagan ng pagtutulakan ng dalawang panig, habang minor injuries lang ang tinamo ng iba pa, kabilang ang ilang pulis.

Batay sa ulat, pasado 2:00 ng hapon nang magpang-abot ang dalawang grupo sa Plaza Salamanca sa T.M. Kalaw Street, kanto ng Taft Avenue, malapit sa United Nations Station ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nauna rito, nagpumilit ang nasa 1,600 miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakpawis, at Karapatan, na makalapit sa US Embassy upang doon magpahayag ng kanilang saloobin, partikular na ang pagtutol nila sa pagbisita sa bansa ni US President Donald Trump.

Hindi naman nagpatinag ang mga nagbabantay na pulis, kaya nauwi sa tulakan at bombahan ng tubig ang insidente, at ilan sa kanila ang nasugatan.

Nagawa naman ang mga raliyista na makapang-agaw ng ilang helmet at ilang kalasag ng mga pulis, habang isang pulis pa ang nahilo matapos ang kaguluhan.

Sa kabila nito, naninindigan si Renato Reyes, Jr., secretary general ng Bayan, na tuloy pa rin ang pagdaraos nila ng mga kilos-protesta habang idinaraos sa bansa ang 31st ASEAN Summit, na opisyal na magsisimula ngayong Lunes.

Kaagad namang isinara sa mga motorista ang panulukan ng Buendia at Roxas Boulevard dahil sa kilos-protesta.

Samantala, muling nag-inspeksiyon kahapon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, sakay sa police motorcycle, para tiyakin ang seguridad sa ruta ng ASEAN convoy sa EDSA, kabilang sa bahagi ng SM Megamall, North Avenue, TriNoma at Balintawak simula 9:00 ng umaga.

May ulat ni Bella Gamotea