Mayor Sabili (gitna) at iba pang mga opisyal
Mayor Sabili (gitna) at iba pang mga opisyal

Sinulat at mga larawang kuha ni LYKA MANALO

MAHIGIT na 6,000 coffee drinkers ang pumila sa isa’t kalahating kilometrong bahagi ng Jose P. Laurel Highway nitong Oktubre 23 sa Lipa City, Batangas upang ipakita sa buong mundo ang pinakamahabang linya ng umiinom ng kapeng barako at upang maitala sa Guinness World Records.

Ayon kay Lipa City Tourism Council Officer Minnie Atienza, ang karamihan sa mga lumahok ay kabataan na siyang target ng pagsasagawa ng okasyon upang buhayin at muling pasiglahin ang pag-inom ng kapeng barako sa lungsod at sa probinsiya.

Tourism

'No. 1 most traveled Filipino citizen globally' sinalubong sa Mactan airport

“Marami sa mga kabataan ngayon, akala nila myth lang o legend ang kapeng barako but we have achieved our objective na ipakilala ulit ang kapeng barako sa mga millennials natin,” ayon kay Atienza.

Nais din nilang tulungan ang mga magsasaka ng kape at tangkilikin ang mga lokal na coffee shops sa Batangas na siya ring layunin nang simulan ang Kapeng Barako Festival na ipagdiriwang tuwing buwan ng Oktubre.

Kapeng Barako beans and seedlings
Kapeng Barako beans and seedlings

“Mas natatangkilik kasi ngayon ang mga foreign companies na mga coffee shop kaysa sariling atin,” dagdag ni Atienza.

Batay sa kasaysayan, unang itinanim ang punla ng kapeng barako sa Pinagtong-ulan noong taong 1749 at nagmula sa Lipa ang suplay ng coffee beans sa buong mundo noong 1886 hanggang 1888.

“We are claiming kapeng barako because of our history, dito siya itinanim, dito siya unang nakilala, in fact buong mundo tinangkilik ang kapeng barako, unfortunately nagkaroon ng pagkukulang sa parte ng turismo, hindi namin napangalagaan ang pag-promote ng kapeng barako.”

Buo ang suporta ni Lipa City Mayor Meynard Sabili na siyang nagsimula ng pag-inom ng kape at sinaksihan ang coffee drinkers mula Sabang Rotonda hanggang Robinson Rotonda.

Kapeng Barako products
Kapeng Barako products

Naglagay ng mga coffee station ang iba’t ibang establisiyemento na naglaan ng 6,000 cups.

“Iba na ang connotation noong araw na ang mga Batangueño raw ay barako dahil matapang, ngayon hindi na, ang Batangueño ay katulad ng kapeng barako na gustung-gusto ng lahat, maamo, mabait, mabuting kaibigan at mapagmahal sa kapwa. It symbolizes the attitude of a Batangueño,” paliwanag ni Mayor Sabili.