Nina Anna Liza Alavaren at Bella Gamotea

Pinaiimbestigahan ng opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nangangasiwa sa traffic preparations para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang hayagang pagsuway ng aktres na si Binibining Pilipinas Universe 1982 Maria Isabel Lopez sa ipinatutupad na traffic plan ng ahensiya sa EDSA.

Ayon kay Emmanuel Miro, head ng Task Force ASEAN ng MMDA, na ang papanagutin ng ahensiya si Lopez sa “misbehaviour” nito, at posibleng sampahan nila ng kaso ang aktres.

“The law must be applied to everyone, whether you are an ordinary Filipino or a public figure like Ms. Lopez,” sabi ni Miro.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Matatandaang nag-post si Lopez ng litrato niya sa Instragram habang nagmamaneho nang naka-on ang hazards sa eksklusibong ASEAN lane sa EDSA nitong weekend.

Sa nasabing post, ipinagmalaki pa ni Lopez na tinanggal niya ang mga divider cone sa gilid ng nasabing lane—na mahigpit na ipinagbabawal sa mga motorista—para makadaan siya, at idinagdag na inakala marahil ng MMDA na delegado siya ng ASEAN. Ginaya naman siya ng iba pang mga motorista.

Ayon kay Miro, kabilang sa mga kasong kahaharapin ni Lopez ang pagsuway sa traffic rules, at ang mismong post ng aktres ay isang pag-amin o matibay na ebidensiya sa pagsuway nito sa batas-trapiko.

Una nang sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na pinag-iisipan ng ahensiya na bawiin o suspendihin ang lisensiya ni Lopez.

“It’s a serious breach of security. MMDA and LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) will now recommend to the LTO the suspension or cancellation of the driver’s license of Ma. Isabel Lopez,” ani Pialago.

Sinabi naman kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na susuportahan nito ang anumang hakbangin laban kay Lopez.

“A person of her stature should be an example to the Filipino community but she did just the contrary,” sabi ni NCRPO Director Oscar Albayalde. “May this incident serve as a stern warning and reminder to the public that all agencies are communicating and are all working hard to provide security and order for the ASEAN Summit. Any violations on the protocols and rules set forth by the ASEAN Task Forces shall not be tolerated.”