BAGHDAD/ANKARA (Reuters) – Umabot na sa 332 katao ang namatay sa Iraq at Iran nitong Linggo nang tumama ang magnitude 7.3 na lindol sa rehiyon, iniulat ng state media sa dalawang bansa, habang patuloy ang paghahanap ng rescuers sa marami pang natabunan ng mga guho.
May 328 katao ang namatay sa Iran, sinabi ni Behnam Saeedi, tagapagsalita ng National Disaster Management Organization ng Iran, sa state television. Mahigit 2,500 katao ang nasugatan, aniya.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga namatay kapag naabot na ng search at rescue teams ang malalayong lugar sa Iran.
Naramdaman ang lindol sa 14 na lalawigan sa Iran ngunit pinakamatinding tinamaan ang probinsiya ng Kermanshah, na nagdeklara ng tatlong araw na pagluluksa.
Mahigit 236 sa mga biktima ay nasa Sarpol-e Zahab county sa Kermanshah, may 15 kilometro ang layo mula sa hangganan ng Iraq.
Ayon sa U.S. Geological Survey ang lindol ay may lakas na magnitude 7.3. Sa taya naman ng isang Iraqi meteorology official ito ay nasa magnitude 6.5 na nakasentro sa Penjwin sa Sulaimaniyah province ng Kurdistan region malapit sa pangunahing border crossing sa Iran.
Ayon sa Kurdish health officials, apat katao ang namatay sa Iraq at 50 ang nasugatan.
Naramdaman rin ang lindol hanggang sa dulong katimugan sa Baghdad, kung saan maraming residente ang nagtakbuhan palabas ng kanilang mga tahanan at matataas na gusali.
Ito rin ang mga eksena sa Erbil, ang kabisera ng Kurdistan Region, at sa iba pang mga lungsod sa hilaga ng Iraq, na malapit sa sentro ng pagyanig.
Pinutol ang elektrisidad sa ilang lungsod sa Iran at Iraq, at dahil sa takot sa aftershocks ay libu-libong katao sa dalawang bansa ang nanatili sa mga kalye at parke sa kabila ng malamig na panahon.
Naitala ng Iranian seismological center ang 50 aftershocks at sinabing marami pa ang inaasahan.
Naramdaman din ng mga residente ng timog silangang lungsod ng Diyarbakir sa Turkey ang lindol, gayundin sa maraming bahagi ng Israel. Walang iniulat na nasawi sa dalawang bansa.