SALAMAT! Niyakap ni UST coach Boy Sablan ang kanyang player matapos makalusot sa pagkabokya sa UAAP men’s basketball.  (MB photo | RIO DELUVIO)
SALAMAT! Niyakap ni UST coach Boy Sablan ang kanyang player matapos makalusot sa pagkabokya sa UAAP men’s basketball. (MB photo | RIO DELUVIO)

MAY natititara pang dangal ang University of Santo Tomas Tigers.

Nakaiwas sa pagkabokya sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament ang Uste nang malusutan ang University of the East, 88-85, sa pagtatapos ng double-round elimination kahapon sa Araneta Coliseum.

Ratsada sina Reggie Boy Basibas, Steve Akomo, at Marvin Lee para masiguro na hindi itlog ang maiuuwi nila sa kanilang teritoryo sa Espana, Manila.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Durog sa samu’t saring negatibong mensahe sa social media matapos ang 0-13 karta, humarap ang Tigers na may sapat na tapang at tibay ng dibdib para maitala ang tanging panalo ngayong season.

Kung nagkataon, nakatala sa kasaysayan ng collegiate league ang UST sa 0-14.

“Lumaro ng todo. Determinado ang mga bata, talagang kulang sa suwerte sa nakalipas na laro. Ngayon, kahit papaano, taas-noo kaming maglalakad sa UST groud,” sambit ni UST coach Boy Sablan.

Nakadikit ang Warriors sa 79-80, ngunit sa pagkakataong ito, humalik ang suwerte sa UST nang maisalpak ni Lee ang pahirapang banked shot bago naka-free throw si Basibas matapos ang isang matibay na depensa.

“Siyempre, masaya kasi hindi kami na-zero,” sambit ni Sablan.

Nanguna si Basibas sa naiskor na 21 puntos, siyam na rebounds,apat na assists, at tatlong steals. Nag-ambag si Akomo ng 18 puntos, 20 rebounds, at anim na blocks, habang kumana si Enric Caunan ng 14 puntos, at 11 rebounds.

Kumubra si Lee ng 11 puntos sa final period.

“Part ng rebuilding process namin ‘to. Sana magtuloy-tuloy na,” sambit ni Sablan.

Nanguna sa UE (3-11) si Pasaol na may 18 puntos, habang kumubra sina rookie Jason Varilla at Mark Maloles ng 16 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Iskor:

UST (88) - Basibas 21, Akomo 18, Caunan 14, Lee 11, Garcia 10, De Guzman 6, Sta. Ana 4, Escalambre 2, Macasaet 2, Romero 0, Huang 0, Faundo 0.

UE (85) - Pasaol 18, Varilla 16, Maloles 15, Conner 10, Acuño 8, Cullar 7, Manalang 7, Bartolome 2, Olayon 2, Derige 0.

Quarterscores: 23-15, 43-39, 63-61, 88-85.