Mag-ingat sa pakikipag-eyeball.

Ito ang muling babala kahapon ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) matapos na dalawang teenager ang pagnakawan ng cell phone ng lalaking ka-eyeball nila sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Nabawi rin naman ang cell phone ni Onin Bernardo, 19, ng Raxabago Street, Tondo; at ng isang 16-anyos na kalugar ni Bernardo, matapos na maaresto ng mga awtoridad si Ronnie Gatburton, 36, ng Boneros Street, Binondo, Maynila.

Batay sa imbestigasyon ni PO1 Kim Airo Gonzales, ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nabatid na dakong 8:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa isang kainan sa loob ng isang supermarket sa Pritil Street sa Tondo.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nauna rito, nakipag-eyeball umano ang mga biktima sa suspek, na naging kaibigan nila sa Facebook.

Niyaya umano ni Gatburton ang mga biktima na kumain sa isang fast food chain sa loob ng supermarket upang makuha ang loob at tiwala ng mga ito.

Gayunman, nang maisipan ng mga biktima na magtungo sa comfort room ay sinamantala ito ng suspek at kaagad na kinuha ang mga cell phone ng dalawa at tumakas.

Pagbalik ng mga biktima ay napunang nawawala na ang suspek, at bukas na ang kanilang mga bag, at wala na rin ang kanilang mga cell phone.

Mabuti na lamang at nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Anti-Criminality Campaign, na pinamumunuan ni Senior Insp. Ness Vargas, kaya kaagad na naaresto ang suspek na kakasuhan ng theft. - Mary Ann Santiago