Ni NORA V. CALDERON
LALONG binibiyayaan ang mga taong marunong tumulong sa kanilang kapwa. Isa sa malinaw na halimbawa ng katotohanan nito si Piolo Pascual.
Hindi nagdalawang-isip si Papa P na magbigay ng one million pesos para sa rehabilitation ng Marawi City na nawasak ng katatapos na digmaan. Iniabot niya ito sa pamamagitan ni Robin Padilla na nangunguna sa paglikom ng pondo para maabot ng tulong ang mga kapatid niyang Muslim na nawalan ng mga bahay at kabuhayan sa dating umuunlad na siyudad.
Hindi rin tumanggi si Piolo nang kausapin siya ng friend na si Toni Gonzaga na mag-guest sa Home Sweetie Home sitcom nito nang mag-indefinite leave ang katambal na si John Lloyd Cruz.
Natuwa si Piolo na kinonsider siya sa show dahil learning experience sa kanya since hindi siya sanay sa comedy. Kaya nag-enjoy siya sa taping ng sitcom, sinasabayan lang daw niya ang mga kasama niya sa eksena na mahuhusay magpatawa.
Sunud-sunod na blessings ang kapalit ng pagiging bukas-palad ni Piolo, sunud-sunod ang launching ng ini-endorse niyang mga produkto. In a week’s time, magkasunod ang launch niya as endorser. Isa na rito ang Highlands Gold Corned Beef with Angus Beef.
“Paborito ko ang corned beef kaya happy ako nang i-offer nila sa aking maging endorser,” sabi ni Papa P. “Ako kasi, kapag nasa bahay ako, ito ang comfort food ko, madali lang naman kasing lutuin kung gusto mong kumain kapag breakfast o kahit magmeryenda lang, konting gisa-gisa lang with onions, presto, may superb ka nang corned beef meal dahil mayroon nga itong Angus Beef.”
Very effective endorser si Papa P, ayon sa brand manager ng Highlands na si Kim Favis, dahil kahit kasisimula lang ng kanilang campaign with him ay agad lumakas ang sales nila. Ayon sa feedback nila, nagpalit na ng corned beef brands ang young wives and mothers. Kung sabagay, affordable naman talaga ang prices nila.