KUMUKUTIKUTITAP na ang Christmas lights sa mga lansangan ng central business district ng Makati City simula noong Biyernes, Nobyembre 3.
Bagamat sa unang araw pa lamang ng Setyembre ay nagsimula nang magpatugtog ng mga awiting Pamasko ang mga himpilan ng radyo sa Metro Manila, karamihan ay pinalilipas muna ang Todos los Santos at Undas, Nobyembre 1 at 2, bago pagtuunan ng pansin ang mga paghahanda para sa Pasko. Nitong Nobyembre 3, Makati ang unang nagsindi ng mga pailaw nito para sa Pasko.
Inaasahang magsisipagsabit na rin ng kani-kaniyang disenyo ng parol sa mga lansangan ang maraming iba pang siyudad.
Malapit na ring pailawan ng Quezon City ang Christmas Tree nito—isang higanteng pine na nasasabitan ng Christmas balls—sa Araneta Center sa Cubao. Automated na Christmas pageant naman, na tinatampukan ng Belen at Tatlong Hari, ang masisilayan sa Greenhills, San Juan, gaya ng nakalipas na mga taon. Naghanda naman ang Cultural Center of the Philippines ng kakaibang Christmas Tree na gawa sa mga hinabing tela na iniuugnay sa iba’t ibang grupong pangkultura sa bansa.
Pabonggahan naman ang mga parol, sa sukat, disenyo, at kula, sa taunang paligsahan ng mga barangay sa San Fernando City sa Pampanga. Nakatuon naman ang Tarlac sa Belen sa taunan nitong paligsahan ng Belenismo na nagpapahusayan ang iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan. Maaaring ang mga selebrasyon sa iba pang mga bayan sa bansa ay hindi kasing enggrande ng mga popular na pagdiriwang na ito, subalit bawat isa ay may sariling paraan ng pagdiriwang para sa pinakapaboritong tradisyong Kristiyano ng mga Pilipino. Magdaraos ng mga parada ng parol sa mga eskuwelahan, konsiyerto, kasiyahan, at pagpapalitan ng regalo.
Ito ang mga nakagisnan na nating pagdiriwang, na nakamulatan na natin sa daan-daang taon na nasa ilalim ang Pilipinas ng impluwensiya ng Espanya, at kalahating siglo namang sinakop ng Amerika. Magsisimula ang mga relihiyosong seremonya sa apat na Linggo ng Adbiyento bago ang Pasko, subalit maraming Pilipino ang ikinokonsidera ang Simbang Gabi o Disyembre 16 bilang pagsisimula ng Pasko sa bansa.
Labis nating kinasasabikan ang panahong ito ng kasiyahan sa harap na rin ng napakaraming pagdurusa ng ating bansa sa nakalipas na mga buwan—ang libu-libong pagkamatay na iniuugnay sa kampanya ng pulisya kontra droga sa bansa, ang rebelyon at terorismo na nagwasak sa Marawi City, ang mga lindol at bagyo at baha na nanalasa sa iba’t ibang dako ng bansa. Napagtagumpayan natin ang lahat ng ito, gaya ng lagi nating nalalampasan ang lahat ng pagsubok, at higit pang nagiging matatag sa muling pagbangon.
Umaasa tayong lahat ng masayang selebrasyon ng Pasko. Isa itong relihiyosong pagdiriwang ng pagsilang ni Kristo, na ibinabahagi natin sa iba pang Kristiyano sa mundo, at isa ring selebrasyon ng kultura, bahagi na ng pamumuhay ng mga Pilipino, at tinatampukan ng mga Christmas Tree, kumukutikutitap at iba’t ibang sukat ng mga parol sa lansangan, pamimili ng pangregalo, pagpapalitan ng mga handog, at pagkanta ng mga awiting Pamasko. Sa lahat ng ito ay nagliliwanag ang pananampalataya ng mga Pilipino, ang walang hanggang pag-asa para sa hinaharap, at ang pagmamahal na nagbubuklod sa ating lahat bilang isang bansa.