Ni ADOR SALUTA
TUMUTULONG sa Philippine National Red Cross (PNRC) sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa pangangalap ng maraming dugo para maging sapat ang suplay sa mga pasyenteng nangangailangan nito. Isa ito sa mga advocacy na itinataguyod ngayon ng lead stars ng La Luna Sangre.
Sa bloodletting activity nitong November 5 sa PNRC building sa EDSA corner Boni Avenue ay maagang dumating ang supporters and fans na nag-organize ng event pati na ang mga taong boluntaryong nag-donate ng dugo.
Panay ang himok ni Daniel sa lahat ng mga kababayan natin na gustong mag-donate ng dugo na maaaring magsadya sa opisina ng Red Cross. Layunin ng advocacy na laging may kapalit ang mga dugo sa blood bank na kinukuha para maisalin sa mga pasyente.
“Kinukulang tayo ng dugo. Kinukulang po tayo ng donasyon ng dugo. Kaya po nandito kami ngayon para maging aware tayo na kinukulang tayo. Kailangan po nating mag-donate,” panawagan ni Daniel.
Ayon sa gumaganap na bidang si Tristan ng La Luna Sangre, hindi masakit ang magpakuha ng dugo.
“Sa umpisa ang medyo masakit kasi tutusukin ka ng karayom, pero after that, wala na. Isipin mo na lang na nakatulong ka sa mga tao at bigla ring mawawala ‘yung sakit,” pangungumbinsi ni Daniel.
“Masarap mag-donate dahil nakakatulong tayo to save lives,” dugtong pa ng binata.
Inamin naman nina Daniel at Kathryn na hindi pa sila nakapag-donate ng dugo nang araw na iyon dahil hindi sila qualified. Ang dahilan, kababalik lang nila ng Pilipinas mula Singapore at kailangan pa silang mai-check pagkaraan ng ilang araw kung safe na silang mag-donate ng blood.
“Pero ako po, dati nakapag-donate na ako,” sabi ni Daniel.
Samantala, patuloy na namamayagpag sa ratings ang La Luna Sangre na ipinagpapasalamat ng KathNiel.
“Patuloy po naming gagawin ang best namin para makapagbigay ng magandang teleserye sa inyo. Sobrang salamat po mga nanonood at sumusuporta sa amin,” pahayag ng nangungunang love team ngayon.